Binay vs Abaya

NAPIKOT este mali napikon pala si DOTC Secretary Jun Abaya sa patutsada at banat ni VP Jojo Binay sa operasyon ng Metro Rail Transit (MRT-3).

Sabi nga, naggagalaiti sa galit?

Ika nga, banas na banas? Hehehe!

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, batikos ng batikos at puro daldal daw si VP Binay sa MRT pero walang naman siyang inirerekomendang solusyon sa problema gayunbahagi naman siya ng kasalukuyang administrasyon sa loob ng nakalipas ng limang taon.

Ika nga, 5 long years na pumapalakpak kay P. Noy!

Birada ni Abaya, mistulang asong tahol ng tahol si Binay na kinakagat ang mga taong nag-alaga sa kanya noon sa loob nang napakatagal na panahon.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, walang alam si VP Binay sa isyu sa kontrata at usapin sa MRT?

Sabi ni Abaya, mukhang nagbubulag-bulagan umano si Binay sa katotohanan sa solusyon na ginagawa ng gobierno para maayos ang problema sa MRT tulad ng mga biniling 48 bagon o tren na malapit ng dumating sa Philippines my Philippines.

Banat ni Abaya kay Binay, na ang DOTC ay dumadalo sa ginagawang imbestigasyon ng senado tungkol sa problema sa MRT pero si VP Binay ay nananatiling ayaw dumalo sa senado hinggil sa imbestigasyon ng katiwalian laban sa kanya.

Abangan.

Dedmahan sa LTFRB, Rep. dela Cruz nag-walkout

PINAGBIBIGTI este mali bitiw pala nang ilang kongresista at mga non - government organizations si LTFRB chairman Winston Ginez sa kanyang pwesto matapos sumabog na parang bomba ang diumano’y panibagong anomaly na kinasasangkutan ng opisyal tungkol sa sinasabing iligal na pagbibigay ng prangkisa sa mga sinasabing pinaborang bus companies na nagpapalala sa problema ng trapiko sa Metro Manila.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, nag-walkout pa si Abakada Partylist Rep. Jonathan Dela Cruz dahil sa matinding pagkabuwisit at galit  kay Ginez na matagal na umanong niloloko ang mga kongresista sa pangako nito na lilinisin ang LTFRB.

Sabi nga, sangkaterbang kasinungalingan diumano ang pinagsasabi nito sa komite?

Naku ha!

Totoo kaya ito?

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, sinapak este mali binira pala  ni  Angkla Partylist Rep. Jess Manalo ang mga opisyal ng LTFRB dahil watak-watak umano ang mga ito at hindi nag-uusap na nagiging sanhi upang magkaroon ng mas malalang problema sa ahensiya.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, sa pagdinig nagdededmahan diumano sina  Ginez at ang dalawa pang board members ng LTFRB na sina Atty. Ariel Inton at Atty. Ronaldo Corpus?

Naku ha!

Totoo kaya ito?

Abangan.

Show comments