MUKHANG naamoy ni Rosario, La Union Mayor Bellarmin “Red” Flores III ang aroma ng kape na inihahandog ng dalawang poultry farm financers este ang mabahong amoy at mga langaw sa kanyang bayan kaya kumilos na. Nag-ugat ang aking pagbanat kay Flores matapos magreklamo ang mga taga-Bgy. Caruoan West sa super baho na dulot ng Requidan Poultry Farm na pag-aari umano ni Eurale Requidan, samantalang ang Fery Rose Poultry Farm naman sa Bgy.Tanglag na ang operator ay Reinhard Depayso. Dahil sa baho na dulot ng dalawang poultry farms, nalagay sa panganib ang kalusugan ng mga residente roon.
Ang mga hayop ay nagkakasakit at maging ang kanilang mga pananim ay naapektuhan na rin kaya humahangos ito na nagtungo sa akin at nagreklamo. Mula nang balewalain ni Flores ang reklamo ng mga taga-Bgys. Caruoan West at Caruoan East, Tanglag at Bacani, nagmistulang dugyot na ang kanilang kabuhayan dahil sa bahong dala ng mga langaw. Ang mga pananim na nadadapuan ng mga langaw ay nagkakandalagas ang dahon at nabulok matapos pamahayan ng mga uod. Ang mga hayop ay nagkakasakit. Kaya upang makaiwas sa mga langaw residente, kumakain sila na nakakulambo.
Ilang beses na nilang pinarating ito kay Flores subalit laging butata ang kanilang reklamo. Ayon sa aking mga nakausap, laging magkasama sa pagkakape tuwing umaga ang dalawang poultry financers sa sikat na Café Shop ng Rosario, hehehe! Mukhang mag-iiba ang takbo ng political ambition ni Flores sa darating na 2016 elections. Subalit matunog si Flores na malalaglag siya sa mga taga-Baragay na apektado ng langaw kaya nagpadala ito ng mga sugo mula sa Health Department. Uminit na kaya ang puwit ni Flores at napagtatanto nito na may pagkukulang siya sa kanyang mga botante sa 2016 election? Mayor Flores, huwag mong isakripisyo ang kalusugan ng mamamayan. Alalahanin mo, mga taga-barangay ang susi sa pag-upo mo sa Rosario kaya dapat mong ibigay sa kanila ang malinis na kapaligiran. Kilos, Mayor Flores, hindi pa huli ang lahat. At sa mga suki ko, huwag kayong bibitiw sa pagpara-ting sa akin ng inyong hinaing at ako ang magpapaabot kay Flores. Abangan!