Malawakang blackout sa Mindanao

UMAARAY na hindi lang ang mga negosyante kundi pati na kaming may 20 million na mga ordinaryong mamamayan at konsumante rito sa Mindanao dahil sa araw-araw na malawakang blackout na umaabot na ng anim hanggang walong oras dito sa katimugan.

Hindi na ito masaya at hindi na nakakatuwa na kahit kaming mga taga-Davao City ay dumaranas din ng hanggang apat na oras na power outage kahit na umaandar na ang  standby power plant ang Davao Light and Power Company at may ilang sources pa rin kami maliban sa Mindanao grid na pinamamahalaan ng National Grid Corporation of the Philippines ng pamilyang Sy na may-ari ng SM chain of malls.

Kung ganito kami sa Davao City na hanggang apat na oras na walang kuryente, paano na lang kaya ang ibang lalawigan na walang ibang source kundi ang kung anong binibigay ng NGCP sa pamamagitan ng Mindanao grid. Kaya sila umaabot ng hanggang walo maging sampung oras na blackout.

Kung ano ang dahilan sa rotating power interruptions na ito--- heto, ngunit kapanipaniwala ba?

“The STEAG State Power, Inc. has announced the implementation of Preventive Maintenance Servicing (PMS) scheduled from July 18 to August 16, on one unit of its coal-fired plant at Brgy. Villanueva, Misamis Oriental.

The other reasons cited are the reduced capability of the Pulangi and Agus Hydroelectric plants due to low water inflow.

The existing power situation has resulted in the reduced allocation by NPC-PSALM to Davao Light. While Davao Light’s contract with the generating company is 275 MW average, the present allocation is only 163 MW.”

Ito yong advisory ng Davao Light and Power Company na kaya nga raw nagkaroon ng rotational power outage.

Ano ba ang scenario na pinapalabas ng mga major power players sa Mindanao? Ang Davao Light and Power Company ay pag-aari ng AboitizPower. Ganun din ang STEAG Power Plant, AboitizPower din ang may-ari. Ang Sibulan at Talomo hydropower plants ay pinapatakbo ng Hedcor na isa ring kompanya ng AboitizPower.

Maliban nga lang sa Pulangi at Agus hydroelectric power plants, ang mga ito ay hindi pag-aari ng AboitizPower.

Bakit nga ba dadaan na naman sa preventive maintenance service and isang unit ng STEAG na may capacity na 105 megawatts kung ito ay nag PMS na rin noong Marso sa kasalukuyang taon?

Ngunit AboitizPower din ang may-ari ng 645-megawatt Therma South coal power plant na malapit na ring magsimula ng operation dito sa Binugao, Toril, Davao City.

Minsan hindi mo maiwasang magtanong ano nga ba ang nangyayari sa power situation sa Mindanao kung ito ay hawak ng iilang major power players lang.

Nagtatanong lang sa gitna ng dilim bunsod ng blackout.

Show comments