PAHIRAP nang pahirap na raw magdala ng suplay sa Philippine Marines na nakadestino sa BRP Sierra Madre, ang kinakalawang na barko na nagsisilbing kampo ng mga sundalo na nagbabantay sa Ayungin Shoal. Ito ay dahil sa malawak na pagsakop na ng China sa karagatan. May mga militar na barko na sa lugar at hindi lang mga coast guard at sibilyan na barko na nagsisigawa ng mga istraktura sa maraming isla.
Hindi na bago ang pagharang ng mga coast guard ng China sa mga barko natin na nagdadala ng suplay sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre. Pero dahil halos matatapos na ang kanilang mga ginagawa sa Spratlys, mas malapit na ang kanilang mga pinanggagalingan, at tiyak na mas magiging agresibo na sila sa pagharang sa atin. Kung hanggang kailan natin kayang panghawakan ang Ayungin Shoal ay hindi na matiyak, pero siguradong ipagtatanggol natin ito nang husto.
Iginiit din ng United States Pacific Command (Pacom) na ang ginagawang reklamasyon ng China ay nagdulot ng pinakamabilis na permanenteng pagkasira ng mga bahura sa buong kasaysayan. Mga bahura ang kanilang pinatungan ng lupa para makalikha ng mga isla kung saan nagtayo ng mag istraktura, iba kasinlaki ng mga malala-king mall natin sa Maynila. Nasaan ang kapootan ng mga militante at aktibista ng mundo para sa karagatan at kalikasan? Kung ang Tubbataha Reef kung saan sumadsad ang USS Guardian ay ibinalita sa buong mundo, bakit tila tahimik sa isyung ito?
Pero ano naman ang pakialam ng China kung tuluyan nilang sirain ang kalikasan? Hindi ba’t sila ang mahilig pumatay ng mga hayop para makuha lamang ang ilang mga bahagi nito? Mga garing mula sa elepante, sungay ng rhinoceros at usa, kamay ng unggoy, buto ng tigre at iba pa. Walang pakialam kahit maubos pa ang mga ito basta makabenta lang sa mga naniniwalang may kakayanang manggamot ng iba’t ibang sakit.
Ito ang mga dapat makita ng UN at buong mundo. Ang mga iligal na gawain ng China, hindi lang laban sa ibang bansa kundi sa kalikasan na rin, na tila walang umaaksyon maliban sa Pilipinas. Sana may umaksyon na rin tulad ng Pilipinas, at hindi lang pagpuna ang ginagawa. Pero sa ngayon, mahalaga na maging pabor sa Pilipinas ang magiging desisyon ng UN. Lahat nakasalalay dito ngayon.