PATULOY pa rin ang mga insidente ng food poisoning sa bansa. Sa Calamba, Laguna, higit 300 estudyante ang isinugod sa ospital matapos kumain ng cupcake at ice candy. Nahilo, sumakit ang tiyan at nagsuka ang ilan, mga sintomas ng food poisoning. Ewan ko, pero matapos ang ilang insidente ng food poisoning sa bansa, dapat mas maingat na ang lahat sa pagbili ng pagkain, lalo kung sa kalsada binebenta.
Sa insidenteng ito, ipinakain ng isang kompanya bilang meryenda sa mga estudyante ang mga cupcake at ice candy. Ayon sa ilang nakausap na bata, may amag na raw at amoy panis ang mga cupcake, at bumubula ang ice candy. Ang mga nakapansin ay hindi na lang kinain o ipinamigay na lang. Dapat managot ang nagpameryenda na iyan. Dapat sa kanila pa lang ay inalam kung ligtas at malinis ang mga pagkain na ipamimigay.
Responsibilidad nila iyan lalo na’t mga bata ang bibigyan. Kawawa naman ang mga bata na natural na sabik sa libreng pagkain. Sinusuri na ang mga cupcake at ice candy kung panis na o kung kontaminado ng mikrobyo. Sa dami ng mga insidente ng food poisoning, dapat lahat nang pagkain ay sinusuring mabuti bago kainin.
Nakapagtataka ang sunod-sunod na insidente ng food poisoning ngayon. Ngayon lang ba nauulat ang lahat na ito? Ganito na ba kasama ang industriya ng pagkain sa bansa? Wala na bang “quality control” sa mga pabrika ng pagkain? Nasusunod ba ang mga expiration date? Sa insidente ng food poisoning sa Laguna, bakit nakakalusot ang mga pagkain na may amag at ice candy na bumubula? Puwede itong ikamatay ng mga bata.
Hindi rin ako magtataka kung apektado na ang mga negosyo na nagtitinda ng mga pagkain na nakabalot na. Kahit ako, pipili ako ng mga pagkain na bagong luto. Marami talagang negosyo ng pagkain na walang karapatan humawak ng pagkain dahil sa masamang sanitasyon at walang quality control. Kung hindi ito matutukoy ng pamahalaan, asahan natin na dadami pa ang mga insidente ng food poisoning, hanggang sa may mapinsala na.