ANG pagbabago nga naman ng panahon lalo na ng modernong gadgets at teknolohiya ay hindi pinatawad pati ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at pamahalaan.
Noong kasisimula pang umupo sa negotiating table and magkabilang panig nang binuksan ni dating President Fidel V. Ramos ang pakikipag-usap noon sa grupo ni MILF chair Hashim Salamat, ang mga naging serye ng informal talks ay naganap sa Cotabato City.
Ang pag-uusap o pagpupulong ng dalawang negotiating panels noon ay naganap sa Notre Dame College campus kung hindi sa Estosan Hotel sa Cotabato City.
At kung saan ang mga nasabing meetings, andun din kaming mga mamahayag noon nakabuntot para sa coverage namin.
Heto ang kapansin-pansin -dahil nga noong araw ay hindi pa uso ang fax o emails, lahat nang komunikasyon, lalo na pag may tatapusin silang kasunduan na dapat lagdaan ng dalawang panig sa nasabing araw, ang nasabing mga dokumento ay dadalhin pa sa Camp Abubakar sa Maguindanao upang masuri at matingnan ni Salamat.
Napakahalaga ng bawat salita at maging ang punctuation marks sa anumang kasunduan na lalagdaan nila.
At kung may kuwestiyunable ngang salita o maging punctuation mark sa draft ng kasunduan, ito ay kusang binabalik at binibiyahe na naman sa Camp Abubakar.
Karaniwan na ngang nangyayari noon na ang government panel ay naghihintay sa Notre Dame hanggang hatinggabi kung kailan nga darating ang dokumentong pinasuri muna kay Salamat.
Napakarami na ring kasunduan ang nilagdaan ng magkabilang panig sa ganung paraan na bilis lakad lalo na sa ceasefire matters na naging guide para sa mga forces sa ground.
Ngunit nitong mga huling araw ng peace talks, nagaganap na ito sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan nagkikita roon ang negotiating panels habang ang kanilang mga principals ay naiiwan sa Pilipinas -- ang isa sa Palasyo ng Malacañang at ang isa naman ay sa Maguindanao.
Nandiyan na rin ang email at text at iba pang mabilis na paraan ng komunikasyon upang maiparating agad ang anumang sasabihin ng magkabilang panig sa usaping pangkapayapaan.
Ang ibig sabihin nito ay kahit na sa anong paraan pa mag-uusap ang magkabilang panig, ang mahalaga ay hindi naman tumigil ang pakikipagnegosasyon upang makamit ang kapayapaan sa katimugan.
Mabagal man o singbilis ng teknolohiya ngayon gaya ng internet ang pakikipagkomunikasyon sa magkabilang panig ang mahalaga pa rin ay ang makamit ang kapayapaan sa huli.