Brutal!

SAAN mang anggulo silipin brutal pa rin. Iyan ang tingin ko at matibay na paniniwala sa nangyaring Mamasapano massacre na pumatay sa 44 na operatiba ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP). Nakakaumay man ang paksang ito’y hindi natin maiwasang talakayin.

Inilabas na ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang opisyal na report nito tungkol sa insidente. Binibigyan nila ng hustipikasyon at katuwiran ang pangyayari. Tiyak, kukulo na naman ang dugo ni Juan dela Cruz sa pahayag na ito.

Kesyo ang mga police daw ang naunang nagpaputok at lumabag sa umiiral na ceasefire, anang MILF. Madaling sabihin iyan pero nasaan ang ebidensya?

Ngunit ang ebidensya ng karumaldumal at buktot na pagpatay sa ating mga pulis ay kitang kita sa video na na-ging viral pa sa internet.

May isang nakabuwal na pulis pero binaril pa ng sunud-sunod at malapitan. Marami sa mga napaslang ay binistay ng bala sa ulo at hindi na makilala dahil labis na napinsala ang mukha. Iyan ba ang matatawag na enkuwentro? Malinaw na masaker iyan! Demonyo lang ang gagawa ng ganyang kabuktutan!

Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit tila ipinagtatang-gol pa ng Commission on Human Rights (CHR) sa pamumuno ni Etta Rosales ang MILF na waring ang kontrabida sa labanan ay ang ating mga pulis. Bakit nga ba ganyan ang CHR? Kapag kalaban ng gobyerno ang napapatay, agad nitong sinasabi na lumabag sa karapatang pantao ang mga awtoridad.

Pero kapag ang mga unipormado nating kagawad ang mapapaslang sa paraang karumaldumal, ni hindi sila kinariringgan ng komentong nakikisimpatiya sa mga biktima.

At bakit lumalabas din na nagtatanggol sa MILF ang peace panel ng ating pamahalaan na dapat sana ay nasa panig ng gobyerno? Nakakakulo ng dugo talaga.

Kung tatanungin ang opinion ko, tatawagin ko itong “treason” o rurok ng kataksilan sa ating mga mamamayan. Hindi ba nila nakikita na ang MILF ay unang nagrereport sa bansang Malaysia kaugnay ng mga pangyayaring may kinalaman dito? Ibinebenta na ba ang Pilipinas sa Malaysia?

 

         

Show comments