‘Ayos na ang buto-buto’

UMALIS ng Pinas na maayos ang kalagayan. Sa isang iglap lasog-lasog na ang kanyang katawan.

Hulyo 14, 2014…sa Al Barsha, Dubai may isang Bangladeshi na nagmamaneho ng van na walang umanong lisensiya at pasaporte. Sakay niya ang anim na tagalinis ng City Daily Maids Cleaning Company. Tatlo rito ay Pinoy.

Panahon yun ng Ramadan at tulog ang kanyang kasamahan. Siya naman ay nag-aagaw tulog na rin hanggang sa tuluyang nakaidlip. Bumangga ang kanilang kinasasakyan.

“Paggising ko may tahi na ako mula sa labi hanggang ilong. Ang paa ko may mga sugat at bali ang buto ko sa likod,” pahayag ni Sherilyn.

Unang beses magtrabaho ng tatlumpu’t anim na taong gulang na si Sherilyn Peregrino, nakatira sa Kawit, Cavite sa ibang bansa. Ang ahensiyang FMR 1990 Staffing Services Inc. ang tumulong sa kanyang makahanap ng employer.

Abril 26, 2013 nang umalis siya papuntang Dubai.

“Dumaan kami ng Hongkong. Ang visa ko beautician ako at usapan 1,500 Dirhams ang magiging sahod ko,” wika ni Sherilyn.

Binilinan sila ng ahensiya na pagdating sa Hongkong itapon nila ang kanilang mga dokumento at inabutan sila ng panibagong visa bilang ‘cleaner’.

Pagdating niya ng Dubai may lumapit sa kanya at ipinakita ang kanyag mga dokumento na run siya magtatrabaho. Tinanong siya kung itinapon ba niya ang papel na ibinilin sa kanya. Sumagot siya ng “Ang sahod ko naging 900 Dirhams na lang. Libre ang bahay pero sa ‘min ang pagkain. On call cleaners kami at hinahatid sundo kami ng sasakyan,” kwento ni Sherilyn.

Ayaw na raw sanang magmaneho nung drayber dahil hirap siya sa kanyang kalagayan at wala pa siyang pahinga ngunit pinilit ito ng kompanya.

“Nakatulog kami. Ganun din ang drayber namin. Paggising ko nasa ospital na ako,” wika ni Sherilyn.

Nananakit ang katawan at hindi maitaas ang kanang kamay. May malaking sugat ang paa at hirap siya sa paghinga. Ganito ang kanyang naramdaman pagmulat ng kanyang mata.

Hinila ng doktor ang kanyang kanang kamay. Pakiramdam niya naggalawan lahat ng buto sa katawan.Ipinaalam sa kanya ng doktor kung anong pinsala ang kanyang natamo. May lamat ang buto ng kanyang mukha. Kailangan ding sumailalim sa operasyon ni Sherilyn dahil bali-bali ang kanyang buto sa likod.

“Labing apat na tahi ang meron ako sa likod. Nilagyan ng titanium at clip. Yung kamay ko nilagyan ng bakal sa loob. Ang kompanya ko ang gumastos lahat,” wika ni Sherilyn.

Sa nangyaring ito kay Sherilyn na ang buto ay pinagkabit-kabit ng titanium (kakaibang bakal), katawang puro tahi at turok ng gamot ay naghanap siya ng karamay.Gusto niyang humingi ng tulong at ipaalam sa pamilya ang sinapit.

Nang malaman ng kompanya na sinusubukan niyang kontakin ang mga ito nagalit umano ito sa kanya. Binilinan pa umano siya na huwag sasabihin sa imbestigador na nasa trabaho sila nang panahong yun.

“Ang gusto nila sabihin naming papunta kami sa isang kaibigan at huwag naming ituturo yung drayber at may ibang tao pa silang pinapaharap,” salaysay ni Sherilyn.

Kawawa raw ang drayber na nakatulog sapagkat makukulong ito at maaaring ma-deport. Naisip ni Sherilyn na paano na sila kung sakaling magsinungaling siya. Sa kanyang mga natamong pinsala gusto niya ay hustisya at tamang benepisyo hanggang sa tuluyan siyang gumaling.

Nang malaman ng kompanya na hindi niya sinunod ang bilin nagalit umano ito. Pinagsisigawan na raw siya at muntik na siyang ibaba sa sasakyan nung papunta sila ng ospital.

Nang huli naisip niya nang lumapit sa Labor at may tumulong sa kanyang abogadong Syrian doon.

“Dumalo ako ng pagdinig na may body brace. Sa huli nagkaayos kami. Binigyan ako ng 2,700 Dirhams at tiket pauwi ng Pilipinas. Sabi nila pwede raw akong maghanap ng trabaho,” ayon kay Sherilyn.

Nang may makitang trabaho at inaayos na ang kanyang visa ay saka niya nalaman na naka-ban pala siya sa Labor kaya’t hindi siya maaaring magtrabaho pa.

“Napilitan akong umuwi ng Pilipinas dahil may anim na buwan akong ban dun. Yung pagtanggal ng tahi hindi na nila sinagot,” ayon kay Sherilyn.

Binilinan umano siya na bumalik sa Saudi matapos ang anim na buwan para makadalo ng pagdinig.

Lumapit sa OWWA si Sherilyn at nag-file siya ng disability. Nabigyan siya ng Php25,000 at ito ang ginamit niya upang makabili ng tiket at maisaayos ang kanyang mga dokumento papuntang Dubai.

Nang patungo na siyang Dubai na-off load siya dahil walang sponsor. Dadaan dapat siya ng Hongkong ngunit ang kanyang hawak ay tourist visa. Pinoproblema niya ngayon ang kanyang kaso at kailangan daw siyang dumalo dun.

“Ayokong ma-dismiss ito. Ang laki ng pinsalang tinamo ko dahil sa kapabayaan nila,” ayon kay Sherilyn.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Sherilyn.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang mga empleyadong naaksidente habang nagtatrabaho ay doble ang makukuhang benepisyo (double compensation). Mahirap magsinungaling sa imbestigador dahil kapag nahuli ka ikaw naman ang maaaring sumabit.

Upang matulungan si Sherilyn nag-email kami sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis ng lahat ng impormasyon tungkol kay Sherilyn. Agad naman siyang sumulat sa ating Consul General doon na si Frank Cimafranca.

Ayon kay Consul Gen. Cimafranca lumalabas na ang usaping ito ay mas tungkol sa inihihinging benepisyo ni Sherilyn kaysa sa kasalukuyang kaso. Makikipag-ugnayan daw siya sa ATN section upang magkaroon ng koordinasyon sa POLO-Dubai kung ano ang maaaring maibigay na tulong kay Sherilyn.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments