“Ang tunay at epektibong pinuno ay siyang nakakaalam ng paraan, gumagawa ng paraan at nagpapakita ng paraan.” – ANONYMOUS
ILANG linggo ring nanahimik si President Noynoy Aquino at pawang mga tagapagsalita lang niya ang nagbibigay nang pahayag lalo ang may kaugnayan sa Mamasapano incident na ipinagbuwis ng buhay ng 44 Special Action Force (SAF) commandos. Maraming nag-akala na ang pananahimik ay may pagbabagong magaganap. Pero wala rin pala. Nang magsalita siya noong Lunes sa mga miyembro ng Jesus is Lord (JIL) at Church of God International, muli niyang sinisi ang sinibak na commander ng SAF na si Director Getulio Napeñas. Walang ibang dapat sisihin sa nangyari kundi si Napeñas. Hindi sinunod ni Napeñas ang plano. Hindi rin ito nakipag-coordinate sa military. Binigyan din daw siya ng maling inpormasyon. May mga sariling pagpapasya raw si Napeñas na wala sa mga plano. Hindi raw iyon ang napag-usapan nila sa meeting na ginawa sa Malacañang noong Enero 9, 2015.
Halos ganito rin ang sinabi ni P-Noy noong Pebrero 5 na ang tanging sinisisi ay si Napeñas. Sabi ni P-Noy: “Mulat po dapat dito ang commander ng operasyon, lalo pa’t matagal siyang nakadestino sa Mindanao. Inaasahan sa kanya ang tinatawag na situational awareness. Bilang commander, siya ang nakakaalam ng kabuuang plano, at sa mga panganib na dala nito; siya ang unang nakakaalam kung naipapatupad ito nang tama. Alam niya dapat ang nangyayari sa bawat sandali.”
Si Napeñas talaga ang may kasalanan kaya nangyari ang Mamasapano clash. Pero di ba’t kasama rin si resigned PNP chief Dir. General Alan Purisima sa “Oplan Exodus”? Di ba’t sa unang pagdinig pa lang, sinabi ni Napeñas na kay Purisima siya nagrereport ukol sa operasyon. Ipinaglihim pa nga ang operasyon kina DILG Sec. Mar Roxas at PNP OIC Dir. Leonardo Espina. Ibig sabihin, hindi lang iisang tao ang nagkaroon ng pagkukulang.
Pero si Napeñas lang ang may kasalanan. Si Napeñas lang ang dapat makatikim ng parusa.
Si Purisima? Walang sinabi ang Presidente ukol kay Purisima. Hanggang ngayon, wala pang kasagutan ang mga tanong sa Mamasapano.