NAPAPABALITANG patuloy ang paglakas ng malalaking “gaming (casino), entertainment and resort establishments” sa bansa partikular ang Solaire Resort and Casino, City of Dreams at ang Resorts World, at dumadagsa umano sa mga establisimento ang mga lokal at dayuhang parukyano.
Malaki na rin umano ang nagiging kontribusyon nito sa turismo, ekonomiya at sa pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino.
Matatandaang inihayag ng pamahalaan na target nitong maabot ngayong taon ang 10-milyong tourist visits, na magbubunsod naman ng pagpasok nang malaking pondo sa bansa.
Kung maaalala ng mga kababayan ay isinulong na rin ni dating President at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Ejercito Estrada ang ganitong hakbangin.
Ang itinuturing nga na isa sa pinakasikat at pinakamatagumpay sa ganitong industriya na si Ginoong Stanley Ho ay nakikipag-partner noon sa Pilipinas upang patampukin ang bansa bilang isa sa mga pangunahing “world’s gaming, entertainment and resort destination” na kalinya ng Las Vegas at Macau.
Pero maraming kumontra noon sa hakbangin ni Erap kaya hindi ito naisakatuparan, at ginamit pa nga ang usaping ito na isa sa mga dahilan ng pagpapatalsik sa kanya sa puwesto. Mapapansin naman na itinutuloy ng kasalukuyang administrasyon ang nasabing economic measure ni Erap at naging tahimik naman ngayon ang mga dating maiingay sa pagbatikos dito,
Ayon sa pamahalaan, ang nasabing industriya ay inaasahang magbubunsod ng pagpasok sa Pilipinas ng hindi bababa sa 1-milyong turista, na katumbas ng mahigit “one tenth” ng target 10 million tourist visits sa bansa ngayong taon. Ito rin umano ay inaasahang magpapasok sa bansa ng hindi bababa sa $10 bilyon revenues sa 2016.
Marami ang nagsasabi ngayon na tumpak talaga ang economic measure ni Erap noon at kung binigyan siya ng pagkakataon na isulong ito ay malaki na sana ang naging progreso ng Pilipinas at pag-angat ng buhay ng mamamayan.
Kaya nga lang ay mas pinairal ng mga kumalaban sa kanya noon ang kani-kanilang pansariling pampulitikang interes kaysa sa pag-unlad ng bansa at kapakanan ng taumbayan.