BERDE na ang damo ng iyong hardin nainggit ka pa sa kapit-bahay mo kaya pinili mong higitan pa yun.
“Parang nawala ako sa aking sarili, bawat salita na namumutawi sa kanyang bibig yung bilog ng aking mata ay lumalaki at ang tenga ko naman ay kumakalansing na parang kaha de yero. Ganito ang naramdaman ko nung mga sandaling yun,” ayon kay Marino.
Sa isang sangay ng kilalang bangko na Philppine National Bank (PNB) nakilala ni Marino Miguel-71, nakatira sa Tondo, Manila ang pinagkatiwalaan niya ng mahigit kalahating milyong piso.
Mula taong 1980 hanggang 2008 ay nanilbihan bilang taga hatid ng sulat si Marino sa Philippine Postal Office.
Nang siya’y magretiro noong Hunyo 2008 nakakuha siya ng Php368, 877.22 bilang ‘retirement pay’. Dinala niya sa PNB Avenida ang tseke para ideposito sa kanyang bank account. Lumapit siya kay Milagros Acosta, isa sa empleyado doon.
“Umabot ng Php600,000 ang pera ko. Tiwala ako dahil matagal na din akong nagpupunta sa bangkong yun,” wika ni Marino.
Sa laki na ng pera ni Marino inalok daw siya ni Milagros ng isang negosyo. Paliwanag pa nito kapag hinayaan niya lang sa bangko ang pera ay maliit lang ang kita. Gumaya raw siya sa kanila na nag-iinvest ang pamilya sa kanilang manager na si Maria Jerelyn Dimafelix.
Tutubo raw ang kanyang pera ng limang porsiyento kada buwan. Nakikita niya kapag nagpupunta siya doon ang binabanggit nitong manager ng bangko kaya sumang-ayon si Marino.
Binigyan umano ni Milagros ng ‘withdrawal slip’ si Marino at pinapirmahan sa kanya. Nang ibigay sa kanya ang passbook wala na raw itong laman. Kumuha ng dalawang tseke sa drawer si Milagros. Blangko ito ngunit may pirma ni Jerelyn.
“Nilagyan niya ng presyo. Isang Php200,000 na pay to cash at isang Php400,000 na nakapangalan sa ‘kin,” kwento ni Marino.
Bilin pa ni Milagros bumalik siya dun bawat buwan para ma-renew nila ang ‘investments’ ni Marino.
Abril 2009 nakakuha ng tatlumpung libong piso bilang interes si Marino. Mas ginanahan siya. Bumalik ulit siya nung sumunod na buwan ngunit hindi na dun nagtatarabaho ang dalawa. Nailipat daw ng branch.
“Nagtanong ako kung saan, di raw nila alam. Ako na ang naghanap. Nakita ko si Milagros sa PNB Isetan Recto. Hindi niya raw alam kung nasaan yung manager niya dati,” pahayag ni Marino.
Sagot pa sa kanya ni Milagros matagal niya na raw hindi niya nakakausap si Jerelyn. Hinanap nila si Jerelyn at nakarating sila sa Batangas sa bahay ng magulang ngunit hindi raw ito umuuwi dun si Jerelyn.
“Nagpadala ako ng demand letter sa tulong ng Sebastinian Office of Legal Aid (SOLA) para sa dalawa,” wika ni Marino.
Ika-15 ng Hulyo 2010 nagsampa ng kasong Estafa at BP22 si Marino sa Manila Prosecutor’s Office ngunit nakalagay sa reklamo na hindi nakatanggap ng demand letter si Jerelyn.
Sa kontra-salaysay ni Milagros lagi raw nagsasabi si Jerelyn na hindi niya kailangan ang kanyang sweldo dahil malaki ang kinikita niya mula sa kanyang ‘credit facility transaction investment scheme’.
“Taong 2008 pa lang kinukumbinsi niya na ako pati ang iba naming kasamahan at ibang kliyente ng bangko na mag-invest para magkaroon ng dagdag kita,” ayon sa salaysay.
Nang simula ay nagdalawang isip siya ngunit dahil sa pangungulit sa kanya ni Jerelyn pumayag na siya. Hindi lamang siya ang nabiktima nito kundi pati na rin ang ibang kliyente ng bangko.
Itinatanggi niya na kinumbinsi niya si Marino na mag-invest. Ito raw ay kusang pagpapasya na ginawa ni Marino. Hindi raw maaaring ituro na lamang siya ngayong hindi nito nakuha ang pinangpuhunan. Nagsampa na rin ng kasong ‘Estafa at BP22’ si Milagros laban kay Jerelyn.
Hulyo 22, 2011 nang maglabas ng resolusyon si Asst. City Prosecutor Adela B. Masigan. Ayon dito ang pandaraya at panlilinlang ay hindi napatunayan. Ang hindi pagkakabalik sa puhunan ay hindi dahilan na siya’y naloko.
May katibayan na nagbigay ito ng tseke at tumalbog ngunit wala naman siyang patunay na nakatanggap ang akusado ng ‘demand letter’. ‘Dismissed’ ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Nagbalik si Marino sa SOLA ngunit hindi raw siya ginawan ng ‘Motion for Reconsideration’ (MR) dahil wala raw natanggap na kopya ang mga ito. Puro estudyate lang daw ang umaasiste sa kanya doon.
Dumulog siya sa isang programa sa telebisyon at inamin daw doon ni Milagros na ineengganyo niya si Marino. Isinumite rin nila ang kopya sa Prosecutor’s Office.
Lumapit siya sa Public Attorney’s Office (PAO) at tinulungan siya ni Atty. Dianne Joaquin. Nag-refile na lamang si Marino dahil lampas na ang nakatakdang pagpa-file ng MR.
Muli itong nadismiss dahil wala raw bagong inihaing ebidensiya. Nag-file ng MR si Marino ngunit ‘dismissed’ ito. Gumawa sila ng ‘Petition for Review’ ngunit dismiss pa rin.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Marino.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nauwi sa wala ang kanyang pinaghirapan ng mahabang panahon kung totoo ang kanyang sinasabi. Ilang ulit na-dismiss ang kanyang kaso. Nailahad na niya ang kanyang reklamo sa tagausig at ito’y masusing tinimbang at matapos madismiss naghain siya ng Motion for Reconsideration.
Marahil kaya hindi rin napanigan ng taga-usig ang video na isinumite nila dahil walang nag-authenticate mula sa nasabing programa.
Nakausap din namin si Atty. Diane Joaquin ng PAO at ayon sa kanya ang unang abogado ang nagkamali sa kasong ito dahil wala silang ebidensiya na may natanggap na demand letter ang akusado. Marami na ring warrant of arrest si Jerelyn ngunit hindi nila alam kung nasaan ito. Importante na matanggap ni Jerelyn ang demand letter kaya’t siguro ibuhos niya ang kanyang lakas sa paggawa ng paraan kung paano mahahanap ang taong ito. Makiusap siya sa barangay na nakakasakop ng magulang nitong si Jerelyn at mag-iwan siya ng demand letter dun dahil sa sandaling lumutang siya dun, ibigay ang demand letter. I-check niya sa LTO kung my driver’s license ito at kung ano ang address na nakalagay doon at sa LRA kung ano ang address ng kanyang mga ari-arian at ang pinakahuli sa Bangko Sentral ng Pilipinas baka may bank account ito sa ibang bangko at dun malalaman niya kung saan nagtatago itong si Jerelyn. Pwede rin siyang humingi ng kopya ng warrant of arrest para sa ibang kaso para ilathala ang larawan nito bakasakali may makapagbigay ng impormasyon at makapag-file rin siya ng kaso. Pera mong pinaghirapan ito kaya’t gawin mo lahat para mahabol ito.(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA ng krimen o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. I-like din ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038