(Tiwala sa mga namumuno)
MAGKAIBA ang kumukontra sa hindi sumasang-ayon.
Kumukontra maaaring may galit sa kung sinumang nagsasalita. Hindi sumasang-ayon, ito yung mga bumabalanse base sa kanilang mga nakikitang hakbang o naririnig na puro palabra lang.
Hinggil ito doon sa minamadaling ipasa ng administrasyon na Basic Bangsamoro Law (BBL). Mismong si Pangulong Noy Aquino ang nagsabi, sinuman ang kumukontra sa pagpasa ng BBL, nangangalakal ng kaguluhan at kalituhan.
BBL lang ang nakikita nilang solusyon sa kapayapaan. Wala nang ibang alternatibo. Ito lang.
Kaya kung hahayaan daw na matalo ng mga kumukontra ang nagsusulong ng BBL, para na rin daw pinayagan ng pamahalaan na manatili at lumala pa ang mga kaguluhan sa Mindanao.
Sinabi ito ni PNoy sa pagdiriwang ng 29th People Power kung saan sinadyang ipinasara ng administrasyon ang mga pangunahing lansangan. Na di bale ng maperwisyo ang nakararami huwag lang silang mapahiya. Kasi kung hindi isinara, baka putaktehin sila ng mga raliyista.
Sa pag-aanalisa ng BITAG Live, hindi kasalanan ng taumbayan kung hindi sila sumasang-ayon sa BBL. Hindi rin sila pwedeng sisihin ng pamahalaan.
Maaaring nakikinig nga ang mayorya, pinakikinggan nila ang mga nagsusulong nito pero hindi sila nagtitiwala. Subalit, hindi nangangahulugan na nangangalakal sila ng kaguluhan. Kundi dahil hindi nila lubos na nauunawaan at hindi pa nila nakikita ang mga bagay na dapat inilalatag sa kanila.
Sinumang lider o namumuno mahalagang makamtan ang tiwala ng kaniyang mga pinamumunuan.
Ang tiwala ay nakakamtan base sa sinasabi, ginagawa at resulta ng mga pinaggagawa ng isang indibidwal. Tumpak man o palpak, ito ang kanilang magiging basehan.
Nauna ng sinabi ni PNoy na apat at kalahating taon na daw siya sa pwesto, hindi pa man daw siya nagsasalita, inaatake na siya. Wala naman daw kasing sektor ng lipunan na talagang makokontento.
Hindi kakontentuhan ang punto dito, kundi ‘yung tiwala sa kung sino ang nagsasalita.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.