NASA 400 eskuwelahan umano ang nagpetisyon sa Commission on Higher Education (CHEd) para makapagtaas ng matrikula sa susunod na school year. At malamang na katigan ng CHEd ang mga eskuwelahan. Tiyak na ang mga ito ang kakampihan gaya ng mga nangyari sa nakaraan. Nanaig ang mga school sa kagustuhan.
Kaya, ngayon pa lang, nag-iisip na ang mga magulang kung saan hahagilapin ang pangmatrikula sa kanilang mga anak na magkokolehiyo. Wala silang magagawa kundi ang maghanda ng pangmatrikula. Balewala ang mga sigaw na ipararating sa mga kinauukulan, hindi rin ito maririnig.
Tanggap na ng mga magulang at estudyante na isang negosyo ang edukasyon sa bansang ito. Kailang magtaas ng tuition para may isuweldo sa mga guro at empleado at iba pang bayarin. Hindi gagalaw ang institution kung hindi magtataas ng matrikula. Alam ito ng mga magulang at nauunawaan nila, pero hindi naman sana napakataas ng hihinging increase ng mga eskuwelahan. Ma-ging patas naman sana. Dapat din namang tanungin kung may quality ba ang inio-offer na edukasyon.
Pasanin ang mataas na tuition fee. Paano kung hindi makabayad ang estudyante? May pangyayari na isang estudyante ang nagpakamatay dahil hindi nakapagbayad ng tuition fee. Nagpa-kamatay ang UP student na si Kristel Tejada noong 2013. Hindi siya pinayagang makakuha ng exam dahil hindi pa bayad sa matrikula. Napuwersang mag-leave si Tejada at hindi nakayanan ang problema. Nagpakamatay siya.
Nasundan ang ginawa ni Tejada sapagkat may ilang estudyante rin na inutang ang sariling buhay dahil lamang hindi nakapagbayad ng tuition fee. Nakakabagabag na baka mangyari ito ngayong nagbabadya ang pagtataas ng tuition fees. Huwag naman sanang ganito kalagim ang kahantungan sa nagbabadyang pagtataas ng matrikula. Maaa-ring maiwasan kung may gagawing “milagro” ang CHEd.