Nalusaw

NOONG Miyerkules ginunita ang 29th anibersaryo ng EDSA revolution na sa tingin ng aking mga kausap sa Manila Police District Headquarters ay papogi lamang ni Pres. Noynoy Aquino upang maibaling ang sama ng loob ng mga naulila ng 44 Special Action Force (SAF). Ayon sa aking mga nakausap, eksklusibo ang selebrasyon matapos isara ni MMDA chairman Francis Tolentino ang north bound lanes ng EDSA kaya nagkahitot-hitot ang trapiko. Ang masakit maraming kababayan ang ginutom sa kalye at na-late sa trabaho. Maging si dating Pres. Fidel V. Ramos ay hindi nakalundag sa okasyon dahil siya ay natrapik. Subalit the show must go on kung kaya ang naging highlights ang kapit bisig march ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police officers na ayon sa aking mga kausap ay pakitang-gilas lamang matapos ma-lamatan nang palusutan sa  Senate at House of Representative hearing hinggil sa coordination at reinforcement isyu ng masaker ng BIFF at MILF sa 44 SAF sa Mamasapano, Maguindanao.

Napalundag ang mga bayani ng EDSA at mga militante dahil hinarang ang kanilang hanay ng container van at concrete barriers ni Tolentino. Kaya sa sama ng loob, naibulalas na lamang nila sa kalye at sa mga interviews ng media. Kasi nasanay na sila na taun-taon ang ginagawang kapitbisig sa parada patungo sa Camp Crame. Sa puntong ito ang pinagdiskitahan nila ng galit ay si Tolentino. Kaya maging ang grupo ng Kapisanan para sa Kagalingan ng mga Kawani ng Kalakhang Maynila (KKK-MMDA) ay nakipagkita sa akin upang ibulgar ang mga hinaing. Una na rito ay ang napaka­babang pasahod sa mga metro aide at traffic enforcers. Nalaman ko na sumasahod lamang pala ang mga metro aide  ng P7,400 at P2,000 allowance habang ang traffic enforcers ay P8,000 at P2,000 na aloowance. Inalis na rin ang hazard pays at bonus kaya ang kanilang mga ATM ay permanenteng nakasanla sa pinagkakautangan.

Nalusaw na rin daw ang P94.312 million  represents the actual saving generated from the appropriation in CY 2011 at maging ang P211.763 million from National and Local Funds. Malaki ang kanilang hinala na nai-time deposit ang naturang pera na ang tubo ay napupunta kay Tolentino at alipores sa MMDA. Maging pala ang ambisyon nilang pabahay sa Carmona, Cavite ay nalusaw na rin matapos matunaw ang P30 million pondo at ang hinala ng aking mga kausap, naibenta na rin ang lupain sa pribadong developer. Mukhang nakalimot umano si Tolentino na balikan ang alaala nang matalo at magbayad sa 40 empleyado na sinuspende niya noong Dis. 12, 2013 dahil ang pinagkaaabalahan ay 2016 election. Marami pa silang ibinunyag na sa mga sumunod na isyu ko tatalakayin. Abangan!

Show comments