Video ‘di puwedeng magsinungaling

ANG still picture ay maaaring retokihin pero hindi ang video. Klarong-klaro ang  kumalat na video sa internet na ipinakikita kung paano binistay ng bala ang isang nakabuwal nang operatiba ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police ng mga elemento ng rebeldeng Moro. Nangingisay ang pobreng pulis sa bawat tama ng balang ipinauulan sa kanya.

Pero sabi ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) chief negotiator Mohaber Iqbal puwedeng retokado ang video upang palabasing malupit ang MILF.

Palusot na lang iyan. Gusto kasi ng MILF na maisabatas ang Bangsa Moro Basic Law (BBL) na nanganganib maibasura dahil sa nangyaring masaker sa 44 na operatiba ng SAF na ang pakay sa Mamasapano, Maguindanao ay arestuhin ang dalawang international terrorist.

Imbes na imbestigahan ang insidente at papanagutin ang mga walang kaluluwang tauhan nila, parang wala ni katiting na remorse o pagkalungkot ang MILF sa nangyari. At sa himig ng pananalita ni Iqbal, parang gusto pang palabasin na ang PNP/SAF ang may kasalanan,

At ano ang masasabi niya dun sa ibang namatay na may bakas ng pagmamalupit? May mga pinugutan pa.

Kung gusto nating magkaroon ng awtonomiya sa Mindanao, dapat konsultahin ang buong Pilipinas dahil bawat Pilipino ay may pakialam. Ang mahigit sa P 70-bilyong pondo na ibibigay sa MILF kapag nabuo ang sariling pamahalaan ay magbubuhat sa bulsa ng bawat mamamayang Pilipino na nagbabayad ng buwis, hindi lang sa Mindanao kundi sa Visayas at Luzon.

Ang lagay ba naman ay tayong mamamayan ang tutustos para palakasin ang sarili nilang hukbo at pulisya na puwedeng gamitin laban sa ating lahat? Para tayong kumuha ng batong ipinukpok sa ating ulo.

Kung gagawa ng awtonomiya sa rehiyon, hindi lang iisang political sector ang dapat sangguniin kundi ang lahat ng mamamayan sa Mindanao dahil hindi naman lahat ng naninirahan doon ay mga Moro. Mas marami pa rin ang Kristiyano bukod pa sa mga taong may ibang kultura at relihiyon.

Show comments