NAG-IMBESTIGA na ang Senate at ang House of Representatives kaugnay sa madugong Mamasapano clash na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF). Nagkaroon ng balitaktakan, naging mainit ang pagtatanong sa mga resource person, hinihimay ang mga nangyari nang araw na maganap ang engkuwentro, may sinermunan at may pilit pinaaamin sa mga hepe ng pulis at military. Pero wala ring kasagutan sa napakaraming tanong. Wala ring mahukay na katotohanan. Halatang may pinagtatakpan at mayroong idinidiin para pasanin ang responsibilidad.
Habang nagbabalitaktakan sa Senado at House, patuloy naman sa pagluha ang mga naulila ng 44 na “tumimbuwang na bayani”. Ang inaasam nilang hustisya para sa kanilang mga asawa o anak ay tila hindi pa makikita. Marami sa kanila ang natatakot na wala ring kapupuntahan ang pag-iimbestiga at malilimutan na ang pangyayari. Hanggang sa mabaon na sa limot ang lahat at ang mga nangyari ay hindi na sasagi sa alaala.
Lalo pang umantak ang sugat ng mga naulila nang kumalat sa social media ang video nang karumal-dumal na pagpatay sa isang miyembro ng SAF na walang awang binaril sa katawan at ulo ng kaaway na siya rin mismo ang nag-video. Kahit buhay pa ang SAF member, walang awang pinatay samantalang ang iba ay ninakawan pa ng cell phone, hinubaran, kinuha ang uniporme, combat boots at iba pang personal na bagay.
Napaiyak naman si Acting PNP chief Dir. Gen. Leonardo Espina nang malaman na masyadong kinawawa ang kanyang mga tauhan. “Overkill” ang ginawa sa mga kawawang SAF. Sabi ni Espina, sa paa lamang ang sugat ng isang biktima subalit pinagbabaril pa sa ulo. Sana raw, hinayaan nang mabuhay para makapiling ang asawa at anak. Hindi raw dapat ganoon ang ginawa sa kanyang mga tauhan. Sabi ni Espina, hindi siya nakatulog nang malaman ang nangyari.
Maraming tanong pero walang makasagot. Maraming naghahanap ng katotohanan ukol sa nangyari pero nakagapos ang dila kaya walang masabi.