NAGING masyadong emosyonal ang pagdinig ng Kamara de Representante sa usapin ng Mamasapano massacre kahapon. Hindi napigilang mapaiyak ni PNP OIC Leonardo Espina dahil sa brutalidad na dinanas ng mga operatiba ng PNP/SAF na nakunan ng video at naging viral sa You Tube.
Aniya, hindi siya nakatulog kamakalawa ng gabi matapos tanggapin ang kumpirmasyon ng medico legal na ang mga naturang operatiba ay puwede pa sanang nabuhay kung hindi binaril nang malapitan sa ulo. Yung isa raw ay inalisan pa ng bullet proof vest bago binaril sa dibdib.
Pati ang sinibak na hepe ng PNP/SAF na si Getulio Napeñas ay napaluha rin at nilapitan sa kanyang kinauupuan si Espina at niyakap. Nagsalita rin ang isang lady solon ng Maguindanao at hindi rin napigilang maging emosyonal sa pagdinig.
Bukod sa madamdaming eksenang ito, walang bagong kaalamang makukuha sa sesyon kahapon na katulad din ng ginawa ng Senado sa nakalipas na dalawang araw. Para sa akin, isang bagay lang ang napatibayan. Hindi katiwatiwala ang layunin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para magkaroon ng tunay na kapayapaan sa Mindanao. Kahit sabihin pa ng iba na walang kinalaman ang insidente sa pagpapatibay ng Bangsamoro Basic Law (BBL), para sa akin, malaki ang kaugnayan nito.
Kasi, may sagutin ang MILF sa madugong insidente na ipinaparatang sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na halos kasama nila sa isang lugar. Sinabi rin ng MILF na nananatili ang organisasyon na revolutionary movement sa kabila ng idinaraos na peace process at nakabinbing pagpapatibay ng BBL. Hindi ko maunawaan ito.
Sabi nga ni Sen. Bongbong Marcos, kalaban pa rin sila. Paano nga naman silang pagkakatiwalaan? Para sa maraming ordinaryong mamamayan, dapat nang ibasura nang tuluyan ang BBL. Nangangamba kasi ang bayan na kapag binigyan ng kapangyarihan ang MILF na magkaroon ng sariling hukbo at pulisya, lalu pang maghahariharian ang mga ito. Kapag binigyan ng malaking pondo ng pambansang pamahalaan iyan, patatatagin nito ang kanilang hukbo upang ang buong Pilipinas ang labanan. Hindi masisising mag-isip nang ganyang ang taumbayan.