ISA-ISA nang umaatras ang mga may akda ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil sa naganap na “mis-encounter”sa pagitan ng Police Commando Special Action Forces (SAF) at ng magkasanib na puwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at ng mismong MILF sa Mamasapano, Maguindanao. Sa pinakahuling tala ng gobyerno, 49 SAF ang napatay. Ayon sa MILF, aabot ng 64 ang total fatalities.
Andun na tayo – homestretch na sana ng peace process. Ilang dipa na lang ay abot na sana ng finish line. Ngayon ay nanganganib na mabura ang lahat ng pinaghirapan ng magkabilang panig para matuldukan na sana ang ilang dekadang alitan. Nauna na si Sen. Alan Peter Cayetano. Sumunod si Sen. JV Ejercito na pina-withdraw ang sponsorship sa batas. Si Sen. Grace Poe ay nagpapatawag ng imbestigasyon.
Nakakapanghina at nakakadismaya ang nangyaring pagkapatay sa ganoon karami sa ating pinaka-elite na police force. Kaya hindi maawat ang ilang opisyal na tuluyang talikuran ang anumang hakbang na ipagpatuloy ang proseso. Sa kasaysayan ng Pilipinas, ito na ang pinakamaraming bilang ng napatay na police-civilian forces sa Mindanao. Ni hindi pakikipag-giyera ang ginagawa doon ng mga police commando – nag-serve lang sana sila ng warrant of arrest laban sa isang terorista.
Kritikal sa pagpagaan sa kabigatan ang magkaroon ng komprehensibong imbestigasyon. Kung hindi ito gawin ay malamang sa hindi na mauwi sa paghiganti ang hahanapin ng lipunan. Nang mangyari ito noong 1981 sa massacre ng mga mahigit 30 na sundalo, ang bawi ng military ay ang pagpasabog sa area kung saan hanggang 2000 na sibilyan ang nabiktima. Imbestigasyon din ang magpapatigil sa mga hindi makatwirang suspetsa na reward daw ang dahilan kung bakit nagpumilit ang SAF kahit walang koordinasyon daw sa MILF.
Sa ngalan ng kapayapaan, at ng kritikal na peace process at upang hindi masayang ang sakripisyo ng mga police at ng kanilang pamilya, hintayin natin ang resulta ng imbestigasyon bago magpasya ng kung paano tatanggapin ang nangyari.