DALAWA ang patay at lima ang sugatan nang sumabog ang isang granada sa loob mismo ng Sta. Cruz police station sa Davao del Sur noong Huwebes ng umaga.
Ang hindi ko maintindihan paanong hindi nahalata o nakuha ng mga otoridad ang isa pang granada sa posesyon ng isang Reynaldo Salang, 56, nang siya ay nadakip at una na ngang na-confiscate sa kanya ang apat na iba pang hand grenade, isang .45 caliber pistol at isang balisong.
At pinasok na nga si Salang sa loob ng selda na kung saan mag-isa lang siya.
‘Yon pala may isa pang granada na nakatago raw sa kanyang brief na kinuha niya at tinakot ang lahat na pasasabugin niya ito.
At napakiusapan naman si Salang ng kanyang kaibagang retired policeman na si David Bacon na isurender ang granada ngunit nang ito ay nasa kamay na ni Bacon ito ay sumabog. At pinagbabaril na rin si Salang ng iba pang pulis na nasa station noon sa suspetsa nilang may hinahawakan pa siyang isang granada.
At natapos ang insidente kung saan namatay si Salang at Bacon at sugatan ang limang pulis.
Talagang isang malaking kaso ito ng lapses sa parte ng mga pulis ng Sta. Cruz police station.
Alam na nilang nakuhanan na nga si Salang ng mga granada at baril, eh hindi ba nila kinapkapan nang maayos ito bago pinasok sa selda?
Sinabi ng mga pulis na sa brief daw tinago ni Salang ang isa pang granada. Huh? Kung sa brief nga, hindi kaya siya nahirapang lumakad kasi nga may nakatagong granada sa kanyang bayag?
Hindi ba napansin ng mga pulis ang paglalakad ni Salang nang siya’y dinakip? Siguradong paika-ika sa paglakad si Salang dahil nga sa granada na nakatago raw sa bayag nito.
Hayun at pinag-utos ni Southern Mindanao Regional Police Office director Chief Supt. Wendy Rosario ang isang imbestigasyon sa insidente sa Sta. Cruz police station. Ano bang nangyari at nalusutan sila ng granada sa loob mismo ng police station.
Kahit paano isang katangahan ang nangyari, ayon kay Rosario.
Pinatanggal na rin ni Rosario sa puwesto ang hepe at ilang tauhan ng naturang police station.
Ngunit mas higit na kailangan ng ating kapulisan hindi lang sa Sta. Cruz police station maging sa iba’t ibang police stations sa buong bansa ang isang refresher basic training course upang hindi na sila malusutan uli.
Ang basic refresher course ay upang muling mapaalalahanan ang kapulisan sa mga dapat gawin upang hindi sila mahalintulad sa nangyari sa Sta. Cruz police station.