NAKABALIK na ang Santo Papa sa Rome. Kaya lahat ay ginugunita na lang ang nakaraang mahiwagang limang araw nang siya ay nasa bansa. Inaalala ang lahat ng mga pangyayari, maging mabuti o malungkot, ang kanyang mga salita at payo, at higit sa lahat, ang kanyang napakaamong ngiti. Lahat tayo ay may kanya-kanyang mga alaala hinggil sa kanyang limang araw sa bansa. May mga mas suwerte sa atin dahil may personal na enkuwentro sa Papa. Mga nahalikan at niyakap na bata, mga hinawakan sa ulo ng Santo Papa, mga kinamayan. Mga nakakatuwang pangyayari tulad ng biglang paglipad ng kanyang skull cap nang makalabas na ng eroplano, ang kanyang mga komento sa mga Heswitang dumalaw sa kanya, ang kanyang sinabi sa mga dumalo sa Palo, Leyte. May mga malungkot ring pangyayari tulad ng pagkamatay ni Kristel Mae Padasas, isang boluntaryo sa Tacloban na nabagsakan ng scaffolding, at ang napakahirap na tanong ni Glyzelle Palomar kung saan walang masabi ang Santo Papa at niyakap na lang ang umiiyak na bata.
Masaya ang lahat. Masaya ang PNP dahil naging mapayapa naman at disiplinado ang mamamayan, kahit may ilang mga maliliit na insidente. Masaya ang CBCP at ang Vatican at matagumpay ang pagdalaw ni Pope Francis. Masaya rin ang Palasyo at ligtas at matagumpay ang pagdalaw ni Pope Francis. Sa ngayon, masaya pa ang lahat sa katatapos na selebrasyon. Kung gaano ito magtatagal ay nasa atin na lang. Ang mahalaga ay kung gaano katagal maiiwan ang mga salita at payo ng Santo Papa sa atin.
Binanggit niya ang korapsyon, at kung gaano kasama ito partikular sa mga mahihirap, na kanyang adbokasya. Hindi makukuha ng mga mahihirap ang mga pangangailangan nila kung magpapatuloy ang korapsyon. Sana marami ang matamaan sa kanyang mga sinabi. Binanggit niya ang kapaligiran. Pero sa mga naiwang basura sa Luneta matapos ang kanyang misa ay tila walang epekto ang mga salita niya tungkol dito. Binanggit niya ang kabataan, at kung gaano kahalaga sila sa lipunan at sa simbahan ngayon. Binanggit ang ilang mga personal na payo, tulad ng pag-iyak at paglimos. Kailangang matutong umiyak at matutong manlimos. Doon lang maiintindihan ang kahirapan na dinadanas ng mga mahihirap. Dapat mamuhay ng simple, at laging magmahal.
Sana nga maiwan sa atin ang lahat ng kanyang sinabi. Sana may matagalang epekto sa ating mga buhay. May nagpapanukala na ngang mambabatas hinggil sa pamumuhay ng simple. Ewan ko lang kung papasa at hindi yata magagawa ng ilan diyan. Tungkol naman sa korapsyon, sana nga, pero mukhang mahirap gawin iyan para sa iba. Makikita na lang natin sa mga darating na araw. Sana nga ang pagdalaw ni Pope Francis ay may tunay na pagbabago sa ating buhay.
Pope Francis, thank you sa malasakit!