MARAMING bata ang hirap sa pag-aaral. Hindi makapasa sa exam. Laging lagpak. Paano ba nila matatandaan ang kanilang leksyon? Heto po ang ating payo:
1. Ilista mo. Para matandaan ang leksyon, mas madali kung ililista mo ang iyong inaaral. Madali matandaan kapag nakalista ng 1, 2 at 3 ang iyong mine-memorya.
2. Gumawa ng kodigo. Kunin ang unang letra ng iyong gustong tandaan. Halimbawa, kung kailangan mong tandaan ang Pasig river at Marikina river. Tandaan na lang ang P at M. Kaya PM ang magiging kodigo mo.
3. Markahan ang iyong libro. Ang libro ay dapat minamarkahan. Ito ang paraan para matandaan mo ang iyong inaaral. Kung hindi sa iyo ang libro ay gumawa ka na lang ng mga index cards, kung saan isusulat mo ang mga importanteng detalye.
4. Ilarawan mo. Kung kaya mong ilarawan ang leksyon, mas madali mo itong matatandaan. Kung gustong tandaan kung nasaan ang Leyte, ilarawan mo ito na may Cebu sa kaliwa at Eastern Samar sa kanan.
5. Mag-review ng paulit-ulit. Ang tamang pag-aaral ay iyong paulit-ulit. Kahit sino ay hindi kayang magmemorya sa isang basahan lang. Basahin ang leksyon bawat linggo para hindi mawala sa isipan.
6. Magdesisyon na mag-aaral. Kung ilalagay mo ang iyong emosyon at buong puso sa pag-aaral, siguradong papasa ka. Isipin mo ang pagkakataong na-in love ka, napagalitan ka o pinuri ka ng titser. Hindi ba’t tandang- tanda mo ang lahat ng detalye ng pangyayari? Ito’y dahil may emosyon noon at nakaukit na ito sa iyong utak at puso.
7. Mag-aral bago matulog. Malaking bagay ang pag-aaral bago matulog. Mas maganda pa nga kung mapanaginipan mo ang iyong leksyon.
Ang ibig sabihin nito ay gumagana ang iyong utak (tinatawag na subconscious mind) para matandaan ang leksyon. Pag gising mo ay magugulat ka dahil naalala mo lahat ng iyong inaral.
8. Maging healthy. Ito ang pinakamahalagang payo. Kumain ng masustansya. Mag-ehersisyo at matulog nang sapat. Puwedeng kumain ng mani dahil may tulong ito sa utak. Baka may tulong din ang mga omega-3 fish oil supplements at multivitamins.
9. Magdasal. At siyempre, bukod sa pag-aaral ay dapat din tayong magdasal. Sa tulong ng Diyos at sa iyong pagsisikap, magiging matagumpay ka sa iyong buhay.
Good luck!