‘Iimbestigahang mga koneksyon daw sa Bilibid’

HINDI na bago ang bulok nang sistema at kalakaran sa loob ng National Bilibid Prison o ‘yung umano’y mga sabwatan sa pagitan ng iba’t ibang gang at drug lords.

Na habang “nagbabakasyon” lang  sila sa ‘Bilibid Resort and country club’ tuloy pa rin ang kanilang mga operasyon at transakyon sa labas.

Matagal na itong naibulgar. Panahon pa ni dating NBP director Gen. Dionisio Santiago, nabahala na ang ahensya sa umiiral na gobyerno sa loob ng pasilidad ng gobyerno.

Kaya nga ako’y natatawa sa mga sinasabi ni IloIlo Cong. Niel Tupas. Kumbinsido daw siya na mayroong alyansa sa pagitan ng mga prison gang at drug lord pero gusto niya pa rin daw itong imbestigahan.

Hindi ko alam kung nagpapatawa ba siya o sadyang nakikisakay, angkas, sawsaw lang sa isyu para makapag-iwan ng recall sa publiko.

Basehan niya daw yung ginawang sunod-sunod na pag-raid  nina Justice Sec. Leila De Lima at pamunuan ng Bilibid kung saan may nakumpiska silang mga kontrabando sa loob mismo ng mga ‘condo’ ng ‘very important prisoners.’

Ayon sa kongresista, katunayan lang daw ito na mayroon talagang ugnayan sa pagitan ng mga prison gang na may mga galamay sa labas at nakakulong na drug lords.

Mawalang-galang lang, gasgas na ito, Congressman. Baka nga pagtawanan ka pa ng intelligence community sa iyong mga sinasabi. Pero kung ‘yan ang iyong pananaw, iginagalang ito ng BITAG.

Ang punto dito, aanhin ang imbestigasyon sa mga koneksyon na yan kung ang mismong pondo nga ng mga law enforcement agency na kapiranggot lang, hindi mapagtuunan ng pansin ng pamahalaan.

Sa panayam ko kay PNP Anti-Illegal Drug Special Ope­rations Task Force (PNP-AIDSOTF) Chief Roque Merde­gia sa BITAG Live noong Lunes matapos ang kanilang joint operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagresulta sa pagkahuli sa pinaghihinalaang ikatlo o ikaapat na mataas sa Sinaloa Mexican drug syndicate, nabatid na P36 milyones lang ang kanilang pondo taon-taon habang humigit-kumulang sa kalahating bilyon lang sa PDEA.

Matagal ng alam ng taumbayan ang alyansa ng mga gang at mga high-risk criminal sa Bilibid. Maging ang business as usual nilang transaksyon kahit sila ay nasa loob.

Kaya kung mayroon mang dapat imbestigahan at pag-aksayahan ng panahon ang lehislatura, ito ay ang paglalaan ng sapat na pondo, teknolohiya at mga kagamitan sa mga ahensyang lumalaban at nakikipagpatayan kontra ilegal na droga.

Ang gyera kontra droga ay hindi lang dapat laban ng mga law enforcement agency kundi laban ng buong pamahalaan.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

Show comments