SARILI MONG PERA dapat pag-ingatan. Higit na dapat alagaan ang pera ng iba na ipinagkatiwala lang sa iyo.
“Pinayagan niya ako umuwi sa kundisyong pagbalik ko may kasama na akong Pinay DH,” wika ni Remedios Monte, 39 na taong gulang.
Mula pa sa Muñoz, Nueva Ecija nagsadya sa aming tanggapan si Remedios o “Remy”, Domestic Helper (DH) sa Dammam, Kingdom of Saudi Arabia.
Si Remy ay hiwalay sa dating kinakasama, meron siyang isang anak, 15 anyos na ngayon.
Tubong Sta. Cruz, Ilocos Sur ang kanilang pamilya subalit kasalukuyang silang nanunuluyan sa Nueva Ecija.
Taong 2006 pa lang ng unang magpunta sa Dammam si Remy. Dati siyang hawak ng isang ahensya subalit pagtagal naging ‘direct hiring’ siya sa among si Abdullah Ali- Al Abbas, isang negsoyante, may asawa at apat na anak.
Walang naging problema si Remy sa kanyang trabaho. Mabait daw ang kanyang amo at maayos magpasweldo.
Halagang 1,500 Riyals o mahigit sa Php15,000 ang sahod niya kada buwan.
“Mag-isa lang ako ng kasambahay dun pero ayos lang dahil mababait ang amo ko,” kwento ni Remy.
Nagtagal si Remy sa amo ng siyam na taon. Sa mahabang panahon na ito, dalawang beses pa lang siyang nag balik-bayan. Una, nung taong 2012 at nitong Desyembre 2014.
Enero 15, 2015 nakatakdang bumalik ng Dammam si Remy.
“Nagkasakit ang nanay ko kaya pinayagan nila akong makauwi pero maliban dun may isang bagay din akong kailangan asikasuhin,” ani Remy.
Buwan ng Pebrero 2014, nang nagpahanap sa kanya ang babaeng kapatid ng kanyang amo ng Pinay DH.
Para hindi mapahiya sa amo, nagtanong-tanong si Remy sa mga Pinay DH na kanila ring kapitbahay na si Rose kung siya ba ay may kilalang gustong maging DH?
Binigay daw ni Rose ang number ng isang nagngangalang Josephine “Josie” Sarmiento, isa raw ‘recruiter’ na naka ‘tie-up’ umano sa ahensyang Muraken Manpower International.
Tinawagan agad ni Remy si Josie. Nang makontak ang cellphone number, pinakausap niya si Josie sa kanyang amo.
“Nagkasundo sila sa presyo para sa placement fee ng ipapadalang Pinay,” ani Remy.
Halagang 15,000 Riyals o katumbas na P170,000 daw ang kailangang ipadala para maproseso ang mga dokumento.
Ika-16 ng Pebrero taong kasalukuyanm nagpadala ng halagang P88,000 ang amo ni Remy. Ang natitirang balanse naman ay muli raw nitong ipinadala nung Pebrero 25, 2014.
Isang nagngangalang Desiree raw ang magiging kasambahay ng kapatid ng amo ni Remy. Tatlong linggo lang ang kanilang hihintayin at darating na raw si Desiree.
Dumating ang takdang araw, ikalawang linggo ng Marso, tumawag naghintay sila Remy subalit walang Pinay-DH na dumating. Nag-abang pa rin sila hanggang katapusan ng Marso.
“Ang sabi nagkaaberya lang daw pero darating daw ang Pinay,” kwento ni Remy.
Lumampas na ang buwan ng Mayo, Hunyo at Hulyo wala pa rin.
Kinausap nilang muli si Josie at nakiusap na sana bago mag-Ramadan dumating na ang ang Pinay. Puro pangako naman itong si Josie.
“Tinawagan na namin mismo si Desiree, nalaman naming matagal na pala siyang nag-back out. Hindi naman pinaalam sa amin ni Josie yun,” pahayag ni Remy.
Agad nilang tinawagan si Josie at kinumpronta ito. Sinabi ni Josie na magpapadala na sila ng bagong Pinay. Si Julie naman daw.
Naging mapanuri na sina Remy at tinawagan agad si Julie subalit ‘di nila ito nakausap at pinsan lang ang sumagasagot.
“Tinanong namin si Josie kung bakit ganun, sabi naman niya nasa kanila si Julie para mas maalagaan bago pumunta ng Dammam,” ani Remy.
Dumating na ang buwan ng Setyembre hindi pa rin nakakapagdala ng DH si Josie. Nahihirapan daw siyang magpa-‘book’ ng tickets.
Maliban dito, may sakit din daw siya dahilan para pautangin pa umano siya ng Remy ng halagang P6,000.
Sa ngayon hindi na sumasagot sa mga tawag si Josie. Kaya nagpunta siya sa aming tanggapan.
Nakabakasyon lang ngayon si Remy, pinayagan siya ng among magpunta sa Pinas para mabisita ang ina na may sakit at para na rin matunton itong si Josie at makakuha ng Pinay DH gaya ng kanyang ipinangako.
“Nakakahiya sa amo ko. Sabi ng amo ko dapat pag-uwi ko kasabay ko na ang isang Pinay DH kundi baka ako magbayad ng pinadala nilang pera kay Josie,” pangamba ni Remy.
Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dapat ay hindi agad nagtiwala si Remy kay Josie lalo na’t sa cellphone at gmail lang sila may komunikasyon.
Nagpadala agad sila ng malaking halaga dito sa Pinay gayung walang kasiguraduhan kung gagamitin nga ito sa pag-aayos ng dokumento ng DH na kanilang kukunin. Dapat ay dumiretso na lang sila sa isang ahensya para mas tiyak na mabibigyan sila ng DH Pinay na kanilang hanap.
Yung kausap nilang si Josie ay hindi naman talaga kasapi sa ‘recruitment agency’ kundi ‘naka-tie-up’ lamang. Bandang huli napakadaling sabihin ng ahensyang ito na wala silang kinalaman sa transakyon ni Josie para makaiwas masangkot.
Sa diretsong pananalita, hindi malayong magduda sa iyo ang iyong employer dahil sa tagal mo ng nagtratrabaho baka pagod ka ng bumalik at ibinulsa na lamang ang pera. Malaking halaga rin ito.
Para tulungan itong si Remy, in-irefer namin siya kay PSSUPT. Rudy Lacadin, Deputy Director for Operations ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para tulungan siyang alamin kung ano ang tunay na katauhan ni Josie at kung nasaan ito.
Para naman sa nasabing ahensyang ka ‘tie-up’ umano ni Josie, pinapunta namin si Remy kay Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas Employment Administration para alamin kung meron bang nakatalang ganitong recruitment agency at kung sila ba ay lisensyado. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038