^

PSN Opinyon

‘Hindi matamasang Kapayapaan’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

BAYAN na nag-uumapaw ang masasarap na pagkain, magagandang tanawin at ang hanging humahaplos sa iyong pisngi ay hindi kasiguraduhan na mabibigyan ka ng panatag na kaisipan.

Puting niyebeng inuulan ng langit. Barya na katumbas ay perang papel sa Pinas. Luntiang kapaligiran, magandang klima at marangyang pamumuhay.

Madalas ganito natin mapipinta sa ating isipan ang klase ng buhay meron sa bansang Europa. Ito rin ang pinangarap ng isang Pinay na tubong Masbate, si Amelita Bustrup o “Amy”, 62 anyos.

“Maganda ang naging buhay ng kapatid ko dun kaya’t imposibleng mahibang na lang siya sa lugar na pinangarap niya,” sabi ng kapatid na si Florita Martinez.

Ika-24 ng Nobyembre 2014 ng magsadya sa amin si Florita at pamang­king si Ma. Crista Contapay, 43 taong gulang mas kilala sa tawag na ‘Marife’.

Si Marife ang kaisa-isang anak ni Amy sa namatay na asawang si Julio Roxas—nagsasaka sa Masbate. Musmos pa lang si Marife ng mamatay ang ama. Mula ng 16 anyos siya ay sa mga tiyahin na siya lumaki. Nalayo siya sa ina dahil nagtatrabaho ito sa Puerto Galera sa Mindoro bilang masahista at manikurista.

Karaniwan sa mga kostumer ni Amy ay mga dayuhan na nagbabakasyon. Isa na rito ang ‘Danish National’ na si Henning Bustrup, 65 taong gulang nun. Tubong Soborg, Denmark. Divorced siya sa asawa at may dalawang anak.

Retirado itong si Henning. Dati raw siyang engineer at ng tumigil na sa pagtatrabaho namasada raw ito ng ‘taxi’.

Nagustuhan daw ni Henning ang serbisyo ng Pinay. Naging magkaibigan sila ni Amy at hindi nagtagal sinuyo siya nito at inaya siyang magpakasal.

Kahit bumalik na ng Denmark si Henning nagsusulatan pa rin sila ni Amy. Pag-uwi sa Pinas nagpakasal sila agad sa Huwes sa Puerto Galera nung 1993.

Sasabay na sana pabalik ng Denmark si Amy subalit ayon kay Florita nagkaroon ng problema at nagpakasal umano sila muli sa huwes--Malate, Manila.

Ika-4 ng Abril 1993, natuloy na si Amy at nakasama na siya kay Henning sa Denmark. Kwento daw ng kapatid, mabait itong si Henning, pinayagan din siya nitong magtrabaho ng ‘part time’ bilang babysitter.

Hindi man buwan-buwan kung magpadala si Amy nakakapagbigay siya sa mga kamag-anak sa Pinas. Pinatira niya rin si Florita sa bahay na binili sa kanya ni Henning bago siya umalis ng bansa, sa Talipanan Beach Resort.

Nalasap ni Amy ang masaganang buhay sa Europa. Bitbit pa nila Florita ang larawan ni Amy habang  nagku-‘cruise’ siya at nakapasyal sa iba’t-ibang lugar.

Pagtagal ang naging problema ni Amy ay ang pakikitungo umano ng dalawang anak ni Henning. Hindi raw siya tanggap ng mga ito. Ganito man ang sitwasyon. Pinakasalan pa siya ni Henning sa huwes sa Denmark.

Taong 1997, nagbalik-bayan si Amy kasama si Henning. Isang buwan lang ang tinagal nila sa Mindoro at umuwi rin sila sa Denmark. Ito na raw  ang una’t huling uwi ni Amy sa Pinas. Palitan ng mga sulat ang kanilang komunikasyon.

Nung taong 2001, namatay si Henning dahil sa sakit sa puso. Naging mahirap kay Amy ang nangyari. Pinaalis umano siya ng mga anak nito sa bahay at nakihati na lang ng renta sa apartment ng matandang kaibigan nila ni Henning.

“Si Oli Nielsen, 70 taong gulang ang alam kong tanging kaibigan niya sa Denmark…” ayon kay Florita.

Hindi na nakakapagtrabaho si Amy kaya’t umaasa lang siya sa nagtatanggap na pensyon mula sa gobyerno ng Denmark.

Nung taong 2010, nagsumbong si Amy sa kanyang mga kapatid dahil kinuha umano ng anak ng kanyang asawa ang kanyang pasaporte at ID’s.

Pumunta sa aming tanggapan si Marife nun kaugnay sa problema niyang ito subalit nagbago ang isip ni Amy at sinabi raw sa anak na si Marife na hindi muna siya uuwi ng Denmark at may aasikasuhin muna siya.

Kwento nila Florita, bumuti ang sitwasyon ni Amy dun subalit hindi tinanggi nila Marife na nakakaranas ng labis na kalungkutan o depression. Ika-22 ng Nobyembre 2014, tumawag na lang si Amy sa anak…

“Nandito ako sa loob ng ospital kasama ang mga baliw... nasa isang kwarto ako nakakulong pero rinig ko ang mga ingay nila mula sa mga pader,” kwento umano ni Amy.

Kapag tanghali at kakain na sila, dun lang daw sila nagkikita-kita. Kinausap na raw ni Amy ang doktor na tumitingin sa kanya at sinabi niyang hindi siya baliw subalit ayaw daw nitong maniwala.

“Ang sabi ni Mama may kinukolekta raw siyang panalo sa raffle draw. 10,000US dollars daw yun. Noong kukunin na niya kinongratulate pa siya pero wala siyang ID’s na maipakita kaya ‘di binigay,” ani Marife.

Nadismaya raw itong si Amy at nagwala. Dahil daw dito napagkamalan siyang baliw at dinala siya ospital. Dito ginagamot daw si Amy. Pilit pinapaliwanag ni Amy na wala siyang problema sa isip subalit bingi raw ang mga ito kaya’t ang tanging nagagawa niya ay tawagan ang pamilya sa Pinas.

“Maayos kausap ang Mama, di siya mukhang nawawala sa sarili. Sana tulungan niyo kami mapauwi siya kahit kami na mag-alaga sa kanya dito sa Pilipinas,” ani Marife.

Itinampok namin ang magtiyahin sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN).

Para lubusang tulungan si Marife ini-email namin kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kaso ni Amy.

Ika-2 ng Desyembre 2014, nakatanggap kami ng email galing kay Ambassador Bayani S. Mercado ng Denmark. Base raw sa report ng ATN Assistant na tumawag kay Ms. Bustrup sa telepono, tumakas si Amy sa ospital nung ika-28 ng Nobyembre dahil ‘di niya makaya ang gulo at sobrang ingay.

Hindi rin daw siya nagdala ng kahit anong personal na gamit. Lumabas lang siya ng ospital ng walang nakakapuna at sumakay ng bus pauwi.

Gusto rin niyang manatili pa sa Denmark para makapag-ipon bago umuwi ng Pinas. Kailangan niya rin ng kasama pag-uwi dahil sa malabong mga mata.

Sinubukan nilang humingi ang ilang impormasyon mula sa ospital para malaman ang kundisyon ni Ms. Bustrup subalit walang doktor na pwede nilang makausap. Dahil din sa mahigpit na ipinatutupad ang batas sa pagbibigay ng mga maselan at pribadong impormasyon (Danish Privacy Law) hindi makakapagbigay ng iba pang detalye ang Ballerup Hospital kung saan naipasok si Amy. Ayon lang kay Amy, na-admit siya sa ospital nung ika-24 ng Nobyembre matapos ireklamo ng isang Danish na kapitbahay.

Ganun pa man ini-report na nila sa OUMWA ang kaso ni Amy para sa kanyang repatriation funds, nakatakda ng ibalik. Ano mang bagong balita tungkol sa Pinay, agad naming ipaparating sa kanyang pamilya. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)  SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landlines 6387285 / 7104038

AMY

HENNING

LEFT

MARIFE

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with