“BANSA ng magnanakaw.” Bintang ‘yan sa Pilipinas ng German airport company Fraport AG, nang i-expropriate ng gobyerno ang Manila International Airport-Terminal 3, na itinayo sa pera nila. Sa totoo lang, magkabilang panig -- MIA management at Fraport -- ang gumawa ng katiwalian sa build-operate-transfer project. Pero hindi sana maiisip ng isang dayuhan na kailangang manuhol sa gobyerno kung hindi nanghingi ang mga opisyales.
Pero gan’un na ba talaga tayo -- bansa ng magnanakaw? Mula nang itatag ang Republika, katiwalian na ang pangunahing isyu sa gobyerno. Dekada-’50 hanggang ‘70 sumiklab ang aktibismo sa kabataan dahil sa galit sa korapsiyon. Niyurak ng martial law ang karapatang umangal, pero nagpatuloy ang katiwalian, na nasentro sa pamilya’t cronies ng diktador. Nu’ng “ibalik” ang demokrasya sa pagbagsak ng diktador, lumaganap sa mas maraming pulitiko at burokrata ang korapsiyon. Nagkaroon nang kalakarang porsiyento sa public works, procurements ng mga ahensiya (libro, gamot, office supplies, atbp.), pork barrel, at desisyon ng mga huwes.
Patuloy ito ngayon. Maraming ahensiya ang tila sindikato ng krimen. Ang Bureau of Customs kasapakat sa smuggling, ang Bureau of Internal Revenue sa tax evasion. Gawaan ng droga ang mga preso sa ilalim ng Bureau of Corrections, iba’t ibang raket sa Dept. of Agriculture, at palabigasan ng Liberal party ang Dept. of Transportation. Tagakubli ng illegal mining ang Dept. of Environment and Natural Resources, tagabili nang mahihinang gamit ang Dept. of Health. Ang pamunuan ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police mismo ang tagatakip sa tiwali at tagausig sa mga nagsusuplong.
Isa tayong failed country.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).