IBALIK daw ang karapatan nilang tumanggap ng bisita. Ito ang demanda ng mga VIP na bilanggo na namuhay na tila mga hari sa NBP, kumpleto sa lahat ng karangyaan, daig pa ang maraming mamamayang sumusunod sa batas. Bakit pa pakikinggan ang mga ito? Namuhay sila, bilang bilanggo, ng masarap sa NBP ng hindi pa malaman kung gaano na katagal. Ngayon, may kapal ng mukha pa silang magdemanda ng kanilang karapatan? Ang dapat nga ay ilagay na lang sa kanya-kanyang selda na walang kalaman-laman kundi kubeta. Gahil sa kanilang ginawa sa NBP, tama lang at suspindihin ang kanilang mga karapatan.
At bakit nila gustong tumanggap ng bisita? Para mabilinan pa rin ang kanilang mga tauhan na nagpapatakbo ng iligal na negosyong droga? Para maipagpatuloy ang kanilang mga utos at bilin sa kanilang mga kawatan? Nawala na kasi ang kanilang cellphone at internet, kaya mga bisita naman ang gagamitin para maka-negosyo? Hindi na. Ibalik na lang ang kanilang karapatang tumanggap ng bisita kapag nailipat na sa bagong kulungan malayo sa Metro Manila. Sa ngayon ay wala silang karapatan humiling o magdemanda ng kahit ano, dahil sa kanilang masasarap na buhay sa NBP. Lumabag pa rin sila sa batas kahit nakakulong na. Pinagtatawanan lang ang sistema ng hustiya at parusa ng bansa dahil nakabili sila ng mga kaluluwa ng ilang opisyal at guwardiya sa NBP. Ngayon, sila ang sisigaw ng paglabag ng karapatan? Baka hindi pa nga sila nakakatikim ng mahirap na pamumuhay magmula nang makulong.
Ang pagkakaalam ko ay nawala na ang kanilang karapatan nang mahatulang may sala para sa kani-kanilang krimen. At hindi maliliit na krimen ito, kundi iligal na droga. Mga droga na sumisira ng buhay. Kung may death penalty pa nga ay nabitay na sana ang mga ito. Pasalamat sila at humihinga pa rin sila, dahil tinanggal na ang bitay bilang parusa. May panawagan na nga na ibalik ang bitay para sa mga drug lord at drug pusher, dahil malinaw na kahit sila’y nakakulong na, wala pa ring pagbabago sa kanilang pamumuhay na kriminal. Kung naipagpapatuloy ang kanilang mga iligal na negosyo, may pambili pa rin sila ng kahit anong gusto nila, tulad ng mga opisyal at guwardiya ng NBP. Kaya wala sa kanila ang makulong, dahil nabibili pa rin ang masarap at maginhawa na buhay. Kailangan mabago na ito. Kailangan makatikim na sila ng buhay bilanggo.