IPATATAWAG ng Committee on Overseas Workers Affairs sa Kongreso sina Vice President Jojo Binay ang naturingang Presidential Adviser on OFWs, si DFA Secretary Albert Del Rosario at si DOLE Secretary Linda Baldoz para alamin sa kanila kung talagang sinikap nilang mai-commute ang hatol na kamatayan kay OFW Carlito Lana na kamakailan ay binitay sa Saudi.
Nais kong malaman ang mga sumusunod:
1. Nadalaw ba ng ating Ambassador sa Saudi si Lana sa death row? Importante ito para maipahiwatig natin sa Hari ng Saudi na lubos nating minamahalaga ang kapakanan ni Lana at lahat ng OFWs sa Saudi, dahil ito naman, ayon sa R.A. 8042, the protection of Filipinos overseas is the “highest priority concern of our foreign policy.”
Samakatuwid, ang pangangalaga sa mga OFWs ay ang pinaka-”essence” o “bedrock” o cornerstone ng ating foreign policy. Anong klaseng highest priority concern ang masasabi ng DFA kung di man lang nakatuntong ang ating ambassador doon sa selda ni Lana?
2. May karapatan ang Secretary of Foreign Affairs na ipatawag ang Ambassador ng Saudi sa Pilipinas sa kanyang tanggapan sa Roxas Blvd para pakiusapan nilang dalawa ni Binay na i-commute na lamang ang hatol kay Lana para sa life imprisonment sa halip na death;
3. Nagpadala ba ng certifications ang DFA, at ang Office of the Vice President na galing sa Mayor ng lungsod na pinanggalingan ni Lana na siya ay isang mabait na mamamayan at walang derogatory police record;
4. Nagpadala ba ang DOLE/POEA ng isang certification sa mga kinauukulan sa Saudi na si Lana ay may malinis na record at may clearance sa NBI bago kaya siya ay pinayagang magtungo sa Saudi?
Kung hindi nagawa ng DFA, OVP, at DOLE ang mga nakalista sa itaas, hindi natin masasabing nagawa nila ang lahat para matulungan si OFW Lana. Dapat kasing gawin ng ating gobyerno ang lahat para mailigtas sa hatol ng kamatayan ang isang OFW.
Hindi kasi patas ang laban doon at may malaking posibilidad na magkaroon ng hometown decision dahil una sa lahat, ang napatay ay taga-Saudi; ang pulis na nag-imbestiga ay taga Saudi; ang prosecutor ay taga-Saudi; ang judge ay taga Saudi. Pati ang abogado ni Lana ay taga-Saudi.
Maging patas lamang ang laban kung naipakita ng gobyerno nating ang kabigatan ng ating concern para kay Lana. Kung talagang guilty siya hindi naman natin hihilingin na ipawalang sala siya. Commutation lang ang hihilingin natin. Kayang-kaya ng Hari na ibigay ‘yan dahil sa Saudi, the word of the Ruler is Law.
Malay natin kung nagkaroon ng “passion and obfuscation” si Lana at nawala sa sarili. O may sukdulang provocation ang ginawa ang napatay na employer. Ang mga ito ay maaaring ituring na mitigating circumstance na maaaring makapagpababa sa hatol.