DAPAT nang repasuhin at amyendahan ang Visiting Forces Agreement (VFA ng Pilipinas at Amerika lalu na ang tungkol sa mga American servicemen na nakagagawa ng krimen sa ating bansa.
Alam na nang lahat ang kasong murder na kinasangkutan ng US serviceman na si Marine Pfc Joseph Scott Pemberton ng Estados Unidos. Iginigiit ng Amerika na manatili ito sa kanilang kustodiya kahit may warrant nang inisyu ang korte para siya arestuhin.
Si Pemberton ay akusado sa pagpatay sa Pinoy transgender na si Jennifer “Jeffrey’’ Laude sa Olongapo City noong Oktubre. Ayon kay US Ambassador Philip Goldberg, pinadalhan na nila ng abiso ang pamahalaan ng Pilipinas hinggil sa kanilang intensiyon na manatili sa kanilang kustodiya si Pemberton.
Mayroon nang inisyung warrant of arrest si Olongapo City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 Judge Roline Ginez Jabalde laban sa akusadong US Marine Sergeant.
Saan mang anggulo silipin, ito’y isang pagyurak sa sariling batas ng Pilipinas. Hindi bale siguro kung maliit na krimen lang ang kinasangkutan ng Amerikano, pero ito’y pagpaslang sa isa nating kababayan. Ano man ang kasarian ni Laude, bakla man, tomboy, lalaki o babae ay hindi isyu. Ang usapin ay, isang kababayan natin ang pinatay ng isang dayuhan.
Sa bisa ng VFA, puwedeng hilingin ng pamahalaan ng Pi-lipinas ang kustodiya sa American serviceman na nahaharap sa kasong kriminal. Gayunman, maaring magdesisyon ang gobyerno ng Estados Unidos kung pagbibigyan o ibabasura ang nasabing kahilingan. Ha?! Tayo pa pala ang hihiling at puwedeng ibasura ang ating kahilingan ng Amerika!!!
Baliktarin natin ang pangyayari. Kung isang Pilipino kaya ang makagawa ng katulad na krimen sa Amerika, maaari kayang igiit ng pamahalaan na kunin ang Pilipinong suspek sa kustodiya nito? Tiyak kong hindi papayag ang Amerika.
Kaya tama ang mga argumento na dapat nang sumailalim sa pag-amyenda ang kasunduang ito.