EDITORYAL – Sibakin lahat!

NAMAMAYANI ang drug lords sa New Bilibid Prison (NBP). Kahit nasa loob,  patuloy ang ka­nilang masamang gawain na pagkakalat nang illegal na droga. Nasa 20 drug lords ang nasa NBP. Sa katotohanan, ang mga drug lord ay hindi naman talaga nakakulong kundi mistulang nagbabakasyon lamang sa Munti. Pinatotohanan ito nang salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kubol na tirahan ng convicted drug lords. Maski si Justice Sec. Leila de Lima na na-nguna sa pagsalakay ay namangha sa mga nakita sa kubol ng drug lords. Sa kubol ng drug lord na si Peter Co ay may sauna, wide screen TV, Wi-Fi, split type airconditioners at CCTV. Nakakuha rin doon nang maraming pera, mga baril, counting machines, cell phones at shabu. Sa kubol naman ng drug lord na si Jojo Baligad ay may bath tub, life size sex toy, kitchen, bar, family size na kama, inverter airdonditioner, refrigerator at microwave oven. Sa kubol naman ng robbery group leader na si Herbert Colangco ay may music studio, generator, mga mamahaling relo, mamahaling wallet na may lamang maraming pera.

Hindi pa natatagalan nang nagkaroon nang paghalughog sa NBP at nakakumpiska ng shabu, marijuana at mga gamit sa communications gaya ng signal boosters, outdoor antennas, repeaters, splitters, distributor, power supply at electrical wires.

Kagimbal-gimbal ang mga nangyayari sa NBP. Naniniwala kami na marami pang kababalaghang nangyayari roon kaya hindi pa dapat tumigil si De Lima. Maaaring may shabu lab na sa Munti. Kung ang mga malalaking gamit na gaya ng TV at Jacuzzi ay naipasok sa loob, maaari ring maipasok ang mga equipment sa pagluluto ng shabu.

Walang imposible basta may perang ipantatapal sa mga corrupt na NBP officials, personnel at mga guwardiya. Kaya walang dapat gawin kundi ipatupad ang agarang paglilinis sa pambansang bilangguan. Sibakin lahat ang mga opisyal, personnel at palitan ang mga corrupt na guwardiya. Lahat sila ay may pananagutan sa mga nangyayaring kasamaan sa NBP. Ipakita ni De Lima na wala siyang pinuprotektahan sa gagawing pagwalis sa mga opisyal at tauhan sa NBP. Kung nais ni De Lima na bumango ang pangalan, simulan ang paglilinis sa maruming NBP. Now na!

Show comments