NANINIWALA ako na isang security nightmare ang magiging pagdalaw sa bansa sa Enero 15-19. 2015 ni Pope Francis.
Masyadong outgoing ang Papa at kampante’t walang takot kung makisalamuha at makipagkamay sa mga taong bumabati sa kanya. Maging ang kanyang sasakyan na gagamitin sa paggalugad sa mga lugar na kanyang pupuntahan ay mistulang bukas na karosa.
Alam naman natin na bilang bansang Katoliko, laging milyun-milyon ang taong bumubuhos para salubungin ang mga dumadalaw na Papa sa bansa.
Kaya puspusang ang mga security preparation na inihahanda para sa kanya ng pulisya at maging ang Bureau of Immigration (BI) ay nakaalerto laban sa mga dayuhang terorista na maaaring makapuslit sa bansa.
Nagbigay ng katiyakan ang BI na walang makalulusot na foreign terrorist sa bansa kaugnay ng kanilang paghahanda sa pagdating ng Santo Papa.
Ang paniniyak ay ginawa ni Immigration Commission Siegfred Mison na nagsabing bumuo na ng task force na mangangasiwa sa pagbisita ng Santo Papa.
Pero may kasabihan na mahirap pigilan ang isang determinadong salarin. Mahirap ding tukuyin kahit ng pinakamatinik na intelligence system ang plano ng mga terorista dahil alam natin na palaging surpresa ang pag-atake ng mga iyan.
Ayon kay Mison, Oktubre pa inumpisahan ng task force ang kanilang paghahanda kabilang na ang planning, service training para sa mga personnel ng task force at survey inspection sa mga lugar na pagdarausan ng aktibidad ng Papa.
Mas makabubuti na ang Papa mismo ang pagpayuhang huwag lubhang tiwala sa kanyang pakikisalamuha sa mga tao para na rin sa kanyang sariling seguridad. Ngunit naniniwala naman ako na sa dinamidami ng mga Katolikong nagmamahal sa Papa ay sila na mismo ang magsisilbing pananggalang ng huli sa ano mang masamang tangka ng mga terorista.