DAHIL tayo’y isang “sarado katolikong bansa” big deal ang napipintong pagdalaw ni Pope Francis sa Enero 15. Mercy and Compassion ang magiging tema ng religious visit na ito kaya maging ang mga bilanggo sa Muntinlupa ay hihirit daw kay Presidente Noynoy ng clemency sa pag-asang ito’y pakikinggan dahil sa diwa ng papal visit.
Sabagay, naniniwala ako na mas maraming nasa laya ang dapat ikalaboso kaysa doon sa mga nagdurusa sa bilangguan na kung tutuusin ay walang kasalanan kundi biktima lang ng kawalang hustisya sa ating lipunan. Sana, kung ang mga taong ito’y may takot sa Diyos, magsisi na sila at magbagong-buhay.
Klasikong halimbawa yung mga nakapuwesto sa pamahalaan na nagpapataba ng bulsa at namumuhay sa nakaw na karangyaan, habang karamihan sa ating mga dahop na kababayan ay hilahod na sa kahirapan. Ang problema ay wala na yatang takot sa Diyos ang mga taong ito.
Sabi ng kaibigan kong reporter sa Radyo ng Bayan na si Rene Titiangco, dapat daw ideklara ni Presidente Noynoy ang Papal visit bilang national day of prayer. Talagang kailangan ang pananalangin ng taumbayan pero huwag lang dahil sa isang okasyon. Dapat manalangin sa bawat oras. Tulad ng sinasabi sa Biblia na “pray without ceasing.”
(1 Thessalonians 5:16-18)
Ang isa sa mga pakay ng Papa sa pagdalaw niya sa Enero 15 hanggang 19, 2015 ay upang makiramay sa mga taga-Visayas na sinalanta ng bagyo at lindol. Naniniwala naman ako na kahit papaano’y magbibigay ng kaluwagan sa dibdib ng mga mamamayan doon ang presensya ng Papa dahil nga sa pagiging Katoliko ng maraming Pilipino.
Pero kung ang hanap natin ay kapayapaang pangmatagalan, ang sabi ng Salita ng Diyos ay “let’s fix our eyes to Jesus, the author and finisher of our faith.” (Hebrews 12:2)
At habang nakatuon tayo sa Panginoong Jesus ay sama-sama nating ipanalangin ang ating bansa na sana’y laging malihis sa kapahamakan at sa mapagsamantalang kamay ng mga corrupt leaders na walang sawang nilulustay ang salapi ng bayan habang milyun-milyong Pilipino ang naghihirap.