‘One-strike policy’

WALANG balasahan sa mga station commander at police community precinct sa Manila Police District ngu­nit paiiralin ang “one strike policy”. Mukhang may pinapaboran at may tinitingala rito si Acting MPD Director SSupt. Rolando Nana. Di ba mga suki! Nais muna ni Nana na maipakita sa mga taga-Maynila na maayos ang naipapatupad na sistema ng pulisya bago niya sipain ang mga bugok. May katwiran si Nana dahil hindi naman lahat ng kanyang mga opisyales ay mga tamad at ganid sa datung. Sa katunayan sunud-sunod na magagandang accomplishment ang ipimamalas ngayon ng ilang opisyal. Katulad na lamang nina Supt. Robert Domingo ng PS-11 at Supt. Jacson Tuliao na sumuong sa panganib na misyon sa lungga ng mga kriminal sa Parola Compound.

Kung sabagay hindi naman magiging tagumpay ang oplan galugad kung wala si Delpan PCP Commander SInsp. John Guiagui sa pagsalakay sa hideout ng kanang kamay ni Sanaya Sandagan drug group na si Marvin  Austero, alias “Benjo”. Itong si “Benjo” ang responsible sa pagkakalat ng droga sa naturang lugar at gun for hire activities matapos na makulong nga si Sanaya. Kinatatakutan ang grupo ni Sanaya matapos na pagpapatayin nito ang mga pusher na hindi nagri-remit sa mga nakuhang shabu. Matataas na caliber ng baril  at sandamukal na shabu ang  nakuha nina Guiagui  ng una itong salakayin. At katulad nga ng inaasahan ng mga residente roon noong Sabado ng gabi nahuli si Benjo at nakumpiska ang isang shotgun, granada, tarya-taryang shabu at salapi na pinagbentahan sa isinagawang Oplan Galugad.

May 70 kalalakihan naman ang dinala sa Delpan PCP na isinalang sa record check. Mukhang nasa tamang landas sina Domingo, Tuliao at Guiagui dahil ang problema sa ngayon ng kaharian ni Mayor Erap Estrada ay ang talamak na pagkalat ng droga sa kalye. Noong Linggo nahuli naman ng District Anti-Illegal Drugs ang kilabot na tulak ng shabu sa Sta Ana, Manila. Kinilala ang mga ito na sina Pia Cunanan, Mhiann San Miguel, Robert Crisini at Allan Biasa. Nakuha sa mga ito ang may kalahating kilo ng shabu at weighing scale. Mabuhay ka CInspt. Glenn Colansong sa palagay ko maiaahon mo sa pagkalugmok ang DAID. Patunay lamang ito na shabu ang  pangunahing problema na dapat na lutasin ni Nana kung nais niyang manatili sa puwesto at maipatong na na sa kanyang balikat ang inaasam na star.

Subalit may mga station commander pa ang tila manhid sa pagkakatulog, katulad na lamang sa Ermita at Malate, Manila na halos araw-araw at gabi-gabi may nabibiktimang foreigners. Dito kasi naglulungga ang mga kilabot na holdaper, snatcher, mandurukot at Salisi Gang. Hindi ito maitatago dahil kahit na buklatin ni Nana ang blotter book sa General Assignment at Theft and Robbery Division  manlalaki ang kanyang mga mata sa pagkadami-daming asunto na hindi nareresolba hanggang sa ngayon. Malaki ang pagkukulang sa deployment ng Ermita at Malate Police Station na dapat na pagtuunan ni Nana upang maipatupad ang “one strike policy”. Abangan!

 

Show comments