KAMAKAILAN, naisulat ko ang tungkol sa pagkaka-“hulidap” ng apo ng aking kumpareng si retired Pol. Capt. Tony Cruz sa Valenzuela City. Ito’y tungkol sa motorbike ni Chukoy na nabili niya sa internet at nang magsawa ay ibinenta uli sa internet din.
Nananawagan tayo kay PNP-NCRPO Chief Carmelo Valmoria na busisiin ang kasong ito dahil batik sa integridad ng pulisya.
Nang makipagtagpo si Chukoy sa buyer kasama ang kaibigan, dalawang nagpakilalang pulis ang dumating at sinabing “nakaw” ang motorbike. Ang buyer ay isa rin palang pulis na kinilalang si PO2 Eduardo Ramos. Entrapment na may masamang motibo ang nangyari. Lahat ng detalye ng istoryang ito’y naisulat ko na sa August 13, 2014 issue ng PSN.
Nagpapasalamat tayo sa Ombudsman na nagkainteres sa kaso. Tinawagan ako ng isang opisyal matapos mabasa ang artikulo at hiniling kay Capt. Cruz na gumawa ng salaysay at reklamo laban sa mga taong sangkot sa hulidap kasama na ang hepe ng intelligence division ng Northern Police District na si Cesar Tafalla Gerente na batay sa salaysay ni Kapitan ay kumunsinti pa sa kanyang mga tauhan at tinawag pa siyang “carnapper protector”.
Iginigiit ni Gerente na legitimate ang operasyon nila gayung may audio recording ng pakikipag-usap ng ina ni Chukoy na si Marie Antoinette (anak ni Kapitan Cruz) sa dalawang operatiba na nung una ay humihingi ng P1 milyon para malusutan ni Chukoy ang problema at nagbanta pang “tutulungan o tutuluyan?” Ang dalawang nagpakilalang pulis ay sina PO2 Elmer Miguel at PO2 Gerry Maliba.
Ang nakakapanggigil sa report ni Gerente ay iginigiit niya na si Chukoy at ang kaibigan ay umiwas sa pag-aresto gayung ang mga ito, kasama pa ang magulang ni Chukoy ay matagal nakipagnegosasyon sa mga nang-hulidap. May audio recording tayo ng pag-uusap na ito para patunayan iyan.
Sa National Police Commission ay nakapagharap na ng kasong kriminal laban sa mga kasangkot dito. Ngunit ang kasong administratibo ay iniharap naman sa Ombudsman ni Kapitan Cruz. Pinasasalamatan natin ang reporter ng TV5 na si Mechie Silvestre na tumututok sa kasong ito. Personal na rin siyang gumawa ng sworn statement matapos makapanayam si Chief Gerente. Sirang-sira na ang image ng ating kapulisan at dapat lang parusahan ang mga bugok na itlog sa serbisyo.