Sixto, bakit tahimik sa PCOS sa Paniqui?

HALATANG may sinisino si Sixto Brillantes Jr., Comelec chairman na sumasamba sa ngalan ng PCOS.

Kapag may bumatikos sa PCOS election machines, nanggagalaiti agad si Sixto. Pinadidisiplina niya sa Korte Suprema ang huwes na nagpa-manual recount kamakailan ng PCOS ballots sa tatlong precinct clusters nu’ng 2013 senatorial elections. Pugad ng Born-Again Christians ang tatlong barangay, kaya nais ng petitioners hindi magprotesta kundi malaman ang katotohanan sa pagiging No. 19 lang ni Jesus Is Lord founder Bro. Eddie Villanueva. Sa recount lumabas No. 1 si Villanueva. Mali ang giit ni Sixto na 99.995% accurate ang PCOS machines.

Nitong Oktubre nagpa-recount ang isang natalo sa pagka-mayor ng Paniqui, Tarlac, nang mahigit 3,000 boto. Ang 4,238 boto na binilang ng PCOS para kay panalong Mayor Miguel Cojuangco Rivilla, pinsan ni President Noynoy Aquino, ay naging 554 na lang. Ibig sabihin, sa 15 precinct clusters, 87% ang sablay ng PCOS at 13% accurate lang.

Pero nakakabingi ang katahimikan ni Sixto sa kasong ito. Batay sa recount, inokupa ng talunang kandidato ang third floor ng munisipyo, at mula roon ay umaaktong mayor. Hindi ito pinigilan ni Sixto. Nanaig kaya ang isa pang sinasamba niya? Hindi kaila sa marami na election lawyer si Sixto nang malaking angkang politiko na ka-apelyido pero katunggali ni Mayor Cojuangco-Rivilla.

Samantala, sinuspindi ng Tarlac provincial board si Rivilla nang dalawang buwan mula Oktubre 8, habang iniimbestigahan. Ito’y sa sulsol ng asawa ng talunang kandidato. Mali umano ang pagbayad ni Mayor ng suweldo sa mga municipal employees nu’ng Enero-Marso 2014 sa ilalim ng reenacted budget. Katuwiran ni Mayor, dapat lang bigyan ng pagkain ang employees habang inaasikaso ng municipal board ang budget.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

 

Show comments