Dahan-dahan sa pagyayabang

TILA naging masyadong  mayabang ang naging pahayag ng Armed Forces Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang na lilipulin nito ang Abu Sayyaf terrorist group sa loob lamang ng tatlong buwan. 

Huh? Talaga? Ano? Sa loob lamang ng tatlong buwan? At sa pamamagitan ng military action wawasakin ang Abu Sayyaf? 

Andami nang nagdaang AFP chiefs of staff na ganun din ang pahayag na kesyo pupulbusin ang Abu Sayyaf at walang iiwanang buhay sa grupo ng mga terorista.

Ngunit wala pa ring  nangyayari. Andiyan pa rin ang Abu Sayyaf na patuloy sa kanilang pangingidnap ng kapwa dayuhan o mapa-lokal man na mga biktima nila. 

Ang all-out war na ito laban sa Abu Sayyaf, ayon kay Catapang, ay nangangahulugan ding  isasabak ang ating mga sundalo sa isang 24/7 na operation kung kinakailangan  dahil nga may night vision equipment ang militar. 

Andun na tayo na may night vision na gamit ang militar ngunit hindi naman nila alam ang trail o ang pasikut-sikot sa kung saan naroroon ang mga Abu Sayyaf sa mga isla sa Western Mindanao. 

Para na ring ipinain ni Catapang ang mga sundalo natin na papatayin o-imassacre lang ng Abu Sayyaf dahil nga hindi nila kabisado ang daan sa Sulu o maging sa Basilan at Tawi-Tawi. 

Kahit ilang milyong night vision na gamit meron ang ating mga sundalo kung nawawala pa rin sila sa daan, talo pa rin sila sa mga kalaban. 

Kaya naman Gen. Catapang, dahan-dahan sa pagyayabang kung ang Abu Sayyaf o kahit anumang rebeldeng grupo dito sa Mindanao ang pag-uusapan. 

Dapat mag-isip ng istratehiya na tiyak ang panalo ng AFP at hindi ‘yong talunan lang sa huli at luhaan pa dahil nga sa buhay ng ating mga sundalong isinabak laban sa Abu Sayyaf.

Ang lahat, lalo na ang kapayapaan at katahimikan  ay hindi nakukuha sa pamamagitan ng baril lamang.

Show comments