Juan Flavier, 79: ‘Higanteng’ doktor

PANDAK si Juan Flavier, pero sa mata ng mga Pilipino higante siya. Paborito siyang health secretary at senador ng marami. Simple ang pamumuhay niya bilang doktor sa Baguio at sa baryo. Palangiti, at mahilig mag­patawa, kaya nakukuha niya ang atensiyon ng madla sa mga malalaking programa niya.

Bilang Kalihim ng Kalusugan,1992-1995, isinulong niya ang mga batayan: Wastong pagkain, lalo na ng ma­sustansiyang malunggay, kalinisan sa katawan at kapaligiran, at family planning. Pinabakunahan niya ang mga paslit at mga rebelde, pinaalam sa publiko ang HIV-AIDS, pinalagyan ng bitamina ang asin at bigas, at iginiit ang breast-feeding at herbal medicines.

Bilang senador, 1995-2007, inakda niya ang Clean Air Act, Traditional Medicines law, Poverty Alleviation Act, Indigenous People’s Rights Act, at mga batas para sa family planning at kontra sa HIV-AIDS.

Mahusay siyang communicator. Isinasa-slogan niya ang mga programa. “Let’s DOH it,” hikayat niya sa mga taga-Dept. of Health na itaguyod ang magagandang proyekto. “Yosi Kadiri!” tuya niya sa paninigarilyo. “Sangkap Pinoy,” tawag niya sa mga dahon-dahon na maaring gawing gamot. “Oplan Alis Disease,” panawagan niya sa madla para sa simpleng pagdala ng payong sa tag-ulan, pag-iwas sa baha, at pag-ingat laban sa lagnat, sipon, tigdas, at cholera.

Umani si Flavier ng maraming awards. Kabilang dito ang Helen Keller International Award, Humanitarian International Award, at Ramon Magsaysay Award.

Pumanaw si Flavier sa edad-79 nu’ng Huwebes, Oct. 30, 2014, dahil sa sakit. Nagluluksa ang bayang may utang-na-loob sa kanya.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments