IIMBESTIGAHAN daw ng AFP ang pananambang sa mga sundalo sa Sumisip, Basilan noong Linggo. Mga Abu Sayyaf ang hinihinalang nasa likod ng pananambang kung saan anim na sundalo ang napatay kabilang ang isang 22-anyos na tenyente na katatapos lamang sa Philippine Military Academy (PMA).
Binabantayan ng mga sundalo ang paggawa ng kalsada. Proyekto na magdadala ng kaunlaran sa lugar. Base sa mga unang ulat, naunahan sila ng putok ng 20 Sayyaf. Kung ilan ang namatay sa panig ng Sayyaf ay hindi pa makumpirma.
Kung siguradong mga Sayyaf ang pumatay sa mga sundalo, para saan pa ang imbestigasyon? Hindi ba kalaban naman ng bansa ang Sayyaf? May kasunduan ba sa panig ng Sayyaf at ng gobyerno ng tigil-putukan? Wala naman hindi ba?
Hindi ba’t kailan lang ay nasa balita na naman ang Sayyaf dahil sa paglaya ng dalawang German matapos umanong magbayad ng pantubos? Bakit pa kailangan malaman kung sino ang may kasalanan kung kalaban naman ng bansa ang Sayyaf? Kalaban sila ng bansa kaya anuman ang kanilang gawin ay hindi mabuti.
May rekomendasyon na nga si ARMM Regional Gov. Mujiv Hataman ng “all-out war” laban sa Sayyaf, at matagal na silang salot sa rehiyon at sa bansa. Alam na alam niya ang kasamaan na dulot ng mga kriminal na ito. Wala naman silang planong makipag-usap para magkaroon ng kapayapaan at patuloy ang mga kriminal na aktibidad.
Bakit nga ba hindi pa sila sugpuin nang matapos na ang problemang dulot ng mga iyan? Tandaan na katatanggap lang nila ng malaking halagang pera mula sa pantubos. Lalong hindi sila titigil dahil nababayaran naman pala sila. Kaya lalong mas mahalaga na sugpuin na bago makapagpalakas pa ng puwersa.
Mga bata pa ang mga namatay na sundalo. Mga may malalaking pangarap para sa kani-kanilang kapamilya. Sila ang mga bagong bayani ng bansa.
Tunay na bayani at inalay ang pinakamalaking sakripisyo. Ilan pang katulad nila ang mamamatay, dahil aktibo pa ang Sayyaf? Kung pinag-aaralan ng AFP ang rekomendasyon ni Gov. Hataman, bilisan para mapatupad na. Iilan na lang ba ang Sayyaf sa Basilan?
Marami nang nagawang kasalanan ang Sayyaf sa dayuhan, sa mamamayan, sa bansa. Dapat bang madagdagan pa?