EDITORYAL - Ipakita ng AFP na kaya nila ang Sayyaf

DALAWANG dekada na ang pamamayagpag ng Abu Sayyaf at marami nang kasalanang nagawa. Nangingidnap sila ng dayuhan kapalit nang ma­laking halaga ng ransom. Pinapatay nila ang bihag kapag hindi ipinagkaloob ang kanilang hinihinging pera. Maski babae ay walang awa nilang pinapatay. Walang awa kung pumatay, pinupugutan pa ang mga sundalo kahit nagbabantay lamang sa isang mahalagang proyekto sa isang lugar. Walang patawad at pati mga guro at bata ay kinikidnap. Walang awa rin kung pumatay ng pari. Wala silang budhi at kaluluwa na kahit ang mga bahay at school ay kanilang sinusunog.

Inamin naman ng AFP na malaking challenge para sa kanila ang pagdurog sa Abu Sayyaf. Sabi ng AFP hindi lamang ang pagdurog sa mga bandido ang kanilang pinag-aaralan kundi kung paano malalaman ang ugat at itinatag ito ni Abdurajak Janjalani noong 1990. Dapat daw malaman nila ang pinakadahilan at itinatag ito. At kapag na­laman dito magsasagawa ng pag-aaral kung paano lubusang lilipulin ang Sayyaf. Challenge sa kanila ang mga bandido sapagkat karamihan sa mga ito ay magkakamag-anak. Nagtatakipan ang mga ito kaya walang makuhang impormasyon ang mga sundalo. At dahil maraming kamag-anak, madaling nalalaman ng Sayyaf kung paano sasalakay ang mga sundalo. Nai-feed na ang mga impormasyon sa Sayyaf kaya handang-handa sila at madaling nalalagasan ang panig ng gobyerno.

Inamin din naman ng AFP na ang kawalan nila ng human intelligence ang isa sa dahilan kung bakit hindi nila namo-monitor ang kinaroroonan ng Sayyaf. Ayon sa AFP kung sapat ang kanilang intelligence, hindi sila ganap na mahihirapan sa pagtugis sa mga bandido.

Kulang sila sa human intelligence. Ito ang problema. Di ba’t may pondo ang AFP para sa intelligence gathering? Nasaan na ang mga iyon? Sino ang gumastos ng mga iyon?
Ma­laking katanungan ito. Nararapat na mabusisi kung bakit hindi makakuha ng asset o human intel ang AFP para ma-monitor ang Sayyaf.

Show comments