ANG pamosong binigkas ng bayani ng Scotland na si William Wallace ay nasasaisip natin ngayong ginugunita ang buhay ng yumaong bayaning Senator Juan Flavier. Tayong lahat ay may kanya kanyang ambisyon at pangarap sa buhay. Sa iba, ang makamit ang mithiin ay ang siyang pamantayan ng tagumpay. Mayroon ding yung ibang uri na hindi binibilang o sinusukat ang nagawa. Basta kayod, walang tigil at walang pahinga kahit walang sukling gantimpala o kabayaran. Sa huli, itong huling klase ng tao ang mas itinuturing na dakila at mas matatawag na nagtagumpay sa buhay.
Lalo na kapag ang pagkayod ay ginawa hindi para sa sarili kung hindi para sa kapwa. Gaya ni Senador Johnny Flavier. Ang buong buhay ni Senador Flavier ay inialay niya para makatulong sa higit na nakararaming kababayan nating naghihirap. Sa larangan ng kalusugan, bilang doctor to the barrios, Pangulo ng Philippine Rural Reconstruction movement, Secretary of Health at, sa huli, bilang Senador ng buong bansa, laging nanguna at nakilahok si Senador Flavier.
Senator Flavier really lived. Nabuhay siya para sa ating lahat.
* * *
Condolence sa pamilya ni Gng. Gloria Macapagal Arroyo sa pagpanaw ng kanyang apo, si Jugo Arroyo Bernas na anak ni Luli Arroyo at Luigi Bernas. Magandang pagpasya ang nagawa ng Sandiganbayan na respetuhin ang karapatan ni Gng. Arroyo na dumalaw sa burol ng kanyang apo at mag-attend sa libing sa susunod na linggo. Ano pa man ang nagawa ni Gng. Arroyo at kahit pa isang security risk ang palabasin siya sa kulungan, hindi maikakaila na tao pa rin naman siya tulad natin at nasa kamay ng hukuman ang kapangyarihan na pakitaan siya ng awa at konsiderasyon.
Kung naging ganito rin sanang mapagmalasakit ang Pasig Regional Trial Court sa kaso noon ni Andrea Rosal. Maaalala na ang hinihinalang miyembro ng NPA ay nagsilang ng kanyang sanggol habang nasa kustodiya ng pulis. Namatay ang bata ilang oras matapos isilang. Nakiusap ang mga abogado ni Rosal na payagan sana itong dumalaw sa burol at saka ilibing ang kanyang anak. Pinayagan itong magpunta sa burol na tinaningan ng tatlong oras. Pinagbawalan itong ilibing ang sariling anak.
Tama ang Korte kay GMA, mali ito kay Andrea Rosal.