HUWAG ipagawa sa tanga ang matinong ideya; papalpakin lang niya. ‘Yan ang nangyari sa pag-bundle ng airport terminal fee sa pagbili ng airline ticket simula nu’ng Oct. 1. Efficiency sana ang pakay: wala nang mahahabang pila sa pagbayad ng P550 kada paalis na pasahero. Pero dahil sa kabobohan ng Manila International Airport Authority (MIAA), lumikha ito ng bagong inefficiency. Masaklap pa, niyurakan ang exemption ng overseas Filipino workers sa P550-fee.
Nakiusap ang labor department na suspindihin muna ang bagong patakaran. Ito’y hanggang maayos ng airlines ang kanilang ticketing software para maisama ang OFW exemption. Tumanggi ang MIAA. Kesyo magastos para sa airlines na baguhin pa ang computer programs; kesyo 11 milyong OFWs lang ang maaapektuhan, kumpara sa daan-milyong taunang pasaheros.
Walang keber ang MIAA sa Migrant Workers Act. Utos ng batas sa gobyerno -- ibig sabihin, lahat ng sangay at ahensiya nito -- na ipatupad ang mga pribilehiyo ng OFWs. Walang keber ang MIAA na malaking kabawasan ang P550 sa iuuwing pera ng OFW sa pamilya. Kabuoang P6.05 bilyon ang magagantso ng MIAA na P550-fee mula sa 11 milyon OFWs taon-taon. Samantala, sa paglipat ng paniningil sa airlines -- na magre-remit nito sa MIAA -- mapapakalimot sa madla ang pagwawaldas nito ng daan-bilyon-pisong taunang koleksiyon. Ni hindi mapaayos ng MIAA ang toilets, o magkabit man lang ng drinking fountains.
Kaya, hay’un, may mga panibagong pila sa airport terminals. Ito’y para sa OFWs na nagpapa-refund ng P550-airport terminal fees na siningil ng airlines nang bumili sila ng tickets. Ang haba ng mga pila, dahil 1,255 ang umaalis na OFWs kada oras. Pero walang tauhan ng MIAA na nagre-refund ng pera. Niloloko sila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).