SA isang global survey na ginanap ng Thomson Reuters, inihambing ang mga major capital cities hinggil sa safety of transport systems for women. Sa ginamit na pamantayan, lumabas na ang lungsod ng Bogota sa Colombia ang pinakadelikado para sa mga babaing sumasakay sa public transportation.
Ang mga survey questions sa kababaihan ay tumukoy sa mga sumusunod: (1) kung pakiramdam mong ligtas ka sa peligro kung bumiyaheng mag-isa sa gabi; (2) malamang ba sa hindi na mababastos ka habang namamasahe; (3) o matsa-tsansingan ka; (4) kampante ka bang may sasaklolo sakaling may magtangka sa iyo; (5) kampante ka bang iimbestigahan ng awtoridad ang reklamo sakaling ihain mo.
Sa Southeast Asia, mas delikado para sa babae ang bumiyahe sa public transportation sa Jakarta (Indonesia), Kuala Lumpur (Malaysia) at Bangkok (Thailand) kaysa dito sa atin sa Manila. Sa over-all ranking, pang-sampu (10th) tayong pinakadelikadong lungsod pagdating sa safety ng kababaihan sa pampasaherong public transportation.
Nakakatuwa ang resulta ng ranking sa mga indibidwal na kategorya sa mga nabanggit na survey questions. Sa isyu ng pananalitang pambabastos, ang Manila ay ang pangatlong pinaka-safe na bansa sa mundo. At pagdating naman sa responde ng publiko sakaling pagtangkaan, pangalawa ang ranking natin sa mundo – ganyan kakampante ang mga Pilipina na may sasaklolong galante.
Kahit saang matao na lugar ay makakaharap ng kababaihan ang mga peligro ng mass transport. Hangga’t hindi mapigilan ang pagdami ng populasyon, kahit ano pang dagdag ng bilang ng sasakyan at terminal ay hindi pa rin kayang matanggal ang pagsiksikan na ugat ng pambabastos at pagwalanghiya sa babae.
Ang mga resulta ng survey na ito ay nagbibigay-liwanag sa ating personalidad bilang mamamayan. Hindi man maituturing na pinakaligtas para sa kababaihan ang ating public transport systems, maipagmamalaki naman natin na mas maayos tayo kaysa sa tatlong higanteng kapit kapitolyo dito sa South East Asia. At pagdating sa pagiging galante, hindi lang tayo lamang sa kanila kung hindi kabilang pa tayo sa pinaka-galante sa buong mundo.