VP Binay pumalag sa ‘Nognog’

NAGKULANG yata sa diplomasya  si Sen. Sonny Trillanes nang pasaringan si VP Jojo Binay na “Kulay mahirap, asal mahirap” na “nagbabalatkayo.”  Napika raw ang Bise Presidente sa pasaring na “Nognog” sa kanya. “Matapobre” ang sambit ni Binay sa mga utak ng Oplan Stop Nognog - isang kampanya para hadlangan ang kanyang presidential bid.

Partikular na tinumbok ni Binay ang nabanggit na nating pasaring ni Trillanes. Malinaw itong sinabi ni Trillanes nang mag-ocular inspection kasama ang ilang taga media sa sinasabing “hacienda Binay” na ayon sa negosyanteng si Antonio Tiu ay kanya at hindi sa bise Presidente.

Kilala naman ng maraming mambabasa sa komiks kung sino si Nognog. Isang cartoon character na pandak, itim at kinky ang buhok. Pumapalag din ang United Nationa-list Aliance sa asal ni Sen. Sonny Trillanes na umano’y galamay sa tangkang pagpapabagsak kay Binay. Nang mag-mutiny umano ang dating Navy officer  na si Trillanes laban sa Arroyo administration nang dalawang beses, kalaboso ang bagsak niya at hindi nakakuha ng suporta ng masang Pilipino.  Bakit daw ngayong senador na siya ay nananatili ang “asal militar” niya? Arogante rin ang dating ni Trillanes nang nagpilit pumasok sa property sa Rosario, Batangas.  Ipinipilit ni Trillanes na 350 hectares ang sukat ng lupain sa Batangas, gayung 140 hectares lang. Hindi airconditioned ang piggery tulad ng sinasabi niya at ito’y  nakita mismo at napatunayan ng media.

Ani Trillanes: “Gusto kong ipakita ang dalawang pagkatao ni Vice President Binay na nagpapakita siya na, kulay-mahirap, na asal-mahirap, pero ’yun pala mayroon siyang sikretong mundo na, ito nga, na karangyaan. So diyan niyo makikita yung pagbabalatkayo ng taong ito.”

May mga bloggers o netizens na nagposte ng  komento laban sa pahayag ng senador tulad ng: “Being poor is nothing to be ashamed of. Sen. Trillanes’ comment re kulay mahirap suddenly seemed so offensive. Talk about being two-faced,” ang sabi ng isang netizen sa Twitter.

Heto pa: “Pag maitim ba mahirap na agad? Respeto naman, Senator Trillanes.”

Teka, meron pang dalawang posts: “Just because you have brown-skin kulay-mahirap na? Hiyang-hiya naman sayo ang mga Pinoy, Sen.Trillanes!”  Suguro nagkulang nga sa diplomatic term si Trillanes sa pahayag na ito pero kung politiko ka, dapat maingat ka sa mga sinasabi mo at iwasang makasakit ng damdamin lalu na ng publiko.

Show comments