Sibak!
SINIBAK bilang kapitan ng USS Stethem si Cmdr. John Bradaford dahil sa insidenteng pagsagasa sa dalawang pangisdang bangka sa Subic Bay. Paalis na ang nasabing barkong pandigma mula sa Subic nang masagasaan ang dalawang bangka noong Oktubre 13. Hindi ito masyadong naibalita dahil sa mas malaking isyu ni Laude. Tumalon ang tatlong mangingisda nang makitang babanggain na sila ng higanteng barko. Mabuti at hindi sila nasaktan at sinagip kaagad ng mga Amerikano. Wala na raw tiwala ang US Navy sa kanyang kakayanang maging kumander ng barko, kaya sinibak at inilipat sa ibang posisyon. Mukhang malas ang numero trese sa kapitan.
Hindi ito makakatulong sa kasalukuyang pagtanggol sa VFA, na sa ngayon ay may panawagang ibasura na dahil sa insidente ng pagpatay kay Laude. Siguro naman babayaran ng US ang pagpapagamot sa tatlong mangingisda, pati na rin ang halaga ng kanilang dalawang bangka at kabuhayang nawala dahil sa aksidente. Ginagamit sa paghahanapbuhay ang kanilang mga bangka. Tiyak gagamitin ang insidenteng ito ng mga kontra sa VFA para ilarawan ang mga pa-nganib na hinaharap ng mga Pilipino sa mga bumibisitang militar ng US. Isipin mo nga naman. Sumasadsad sa Tubbataha Reef at may nababanggang mangingisda ang kanilang mga barko. Mga ilang insidente lang naman, pero insidente pa rin.
At nabanggit ko na rin lang ang insidente sa Tubbataha Reef, magbabayad na raw ang US sa danyos na sanhi ng pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero ng 2013. Sa Enero 2015, magdadalawang taon na ang insidente, pero ngayon pa lang may “linaw” sa babayarang multa sa halagang P87 milyong piso. Ito ay ayon sa DFA. Tandaan na wala pang aktwal na pera, kundi pagsasaayos ng mga dokumentasyon pa lamang hinggil sa pagbayad.
Pero ayon naman kay US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg, kailangan pa raw tapusin ang mga diskusyon at may sari-ling alok rin sila. Kung may ibang halagang alok ang US ay hindi binanggit ni Goldberg. Ano naman kaya ang kanilang alok sa isyu ng pagbayad ng multa? Mas mababa? Papayag ba ang gobyerno na matawaran pa ang halaga ng multa? O may kinalaman ba ang isyu ni Pemberton sa usaping ito?
- Latest