ASAHANG maliitin ng Malacañang spokesmen ang ulat ng government think tank Philippine Institute for Developmental Studies. Ito yung isa sa bawat tatlong kabataang Pilipino ay dukha. Tiyak iismid sila luma na ang pinagbatayan ng pag-aaral, kaya hindi nai-factor ang mga kagila-gilalas na nagawa ng admin. Gan’un naman sila palagi.
Totoo naman na ang saliksik ni Dr. Celia Reyes, senior fellow ng PIDS, ay halaw sa national survey ng 2009, hu-ling pinaka-maraming respondents. Pero pinatotohanan ang kanyang mga obserbasyon ng regional data nu’ng 2011.
Ilan lang sa mga nakakapanlumo na nabatid ng saliksik:
• 13.4 milyong bata, 36% ng mga edad-17 pababa, ang maralita nu’ng 2009. Kapos sila sa pagkain, silong, kalusugan, at edukasyon.
• 4 milyon ang walang kubeta sa bahay; kasing dami ang walang malinis na tubig, 260,000 ang walang bahay.
• 1.4 milyon ang nakatira sa slums, 6.5 milyon ang walang kuryente sa bahay, 3.4 milyon ang walang gamit pang-impormasyon.
Batay sa local records, dumadami ang batang dukha. Sampung milyon ang kapos sa dalawang batayang pa-ngangailangan, at 750,000 ang kapos sa lima.
Akma ito sa ulat kamakailan ni Economic Planning Sec. Arsenio Balisacan -- pinatahimik nga lang ng Malacañang -- na nananatili ang antas na karalitaan nitong nakaraang tatlong dekada sa 26-27%.
Tatlo ang nagpapalala sa karalitaan: Bilis paglaki ng populasyon, mayayaman lang ang nakikinabang sa kaunlaran, at malimit na sakuna. Samantala, hindi pa tumatalab ang pang-15 taon na conditional cash transfer program. Kaya asahang mananatili ang mga batang kalye at hamok, nagkakalkal ng basura, nagnanakaw sa mga sasakyan sa trapik.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).