BILANG reporter na nakasaksi sa pagkawasak ng diktaduryang Marcos noong 1986, masasabi ko na ang relasyon ni Vice President Jojo Binay sa pamilya ni Presidente Noynoy ay “taga sa panahon” at mahirap buwagin. Kaya tanong ng marami, “mawawasak kaya ito ng mga nagsusulputang isyu laban sa kanya” na sinasabing demolisyon?
Si Binay ay nagtaya ng buhay sa paglaban kay Marcos. Kasama siyang nakalaboso ni Sen. Ninoy Aquino na ama ng ating Presidente sa kasagsagan ng rehimeng Marcos. Nabuwag ang diktadurya noong 1986 at hinirang si Binay ni Pangulong Cory Aquino bilang OIC ng Makati. Pagkilala ito sa sakripisyo niya para sa demokrasya. Kaya sabi ng barbero kong si Mang Gustin, nagkakamali ang Mar Roxas faction sa Liberal Party kung iniisip nilang sirain ang malalim at subok nang pagkakaibigan ng pamilya Binay at Aquino.
Nasorpresa akong malaman na nag-usap nang masinsinan sina P-Noy at Binay sa Malakanyang kaugnay ng black propaganda laban sa Bise Presidente na kung tawagin ay Oplan Stop Nognog.
Pakulo umano nina Roxas at Budget Secretary Butch Abad ang operasyong ito upang ibagsak si Binay bilang No.1 presidential contender sa 2016 at iangat ang kandidatura ni Roxas. Instrumento raw sa paninirang ito ang sub-committee ng Senate Blue Ribbon Committee at ngayo’y umaangkas si Sec. Leila de Lima para sa umano’y ambisyon niyang tumakbo sa pagka-senador.
Ang Speaker ng Kamara de Representante at stalwart ng Liberal Party na si Feliciano Belmonte mismo ay nagsabing walang mangyayaring impeachment proceedings laban kay Binay.
Hindi rin umano malilimutan ng taumbayan ang ipinakitang “respeto” ni Roxas kay Janet Napoles na tinatawag pang “Ma’am Janet” nang dalhin ang sinasabing “pork barrel queen” sa Malakanyang para kay President Noynoy mismo sumuko at hindi sa tumutugis na NBI.
At kung iisipin, hindi ba’t si Napoles mismo ang umamin na si Butch Abad ang nagturo sa nagturo sa kanya na magtayo ng pekeng NGOs para ma-siphon ang PDAF.
Pero kahanga-hanga ang pahayag ni VP Binay na siya ay “unifying” at hindi mapaghiganti sakaling ihatid siya ng kapalaran sa pagka-pangulo sa 2016.