NAKITA ng mga miyembro ng media ang bahay ni Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima sa San Leonardo, Nueva Ecija noong Lunes. At wala ni isa man sa media men ang tuwirang makapagsabi na “karaniwang bahay” lang iyon. Ang nagsabi na “karaniwang bahay” lang iyon ay ang abogado ng PNP chief. Wala si Purisima nang i-tour ang mediamen. Sana, mas maganda kung siya mismo ang nag-tour sa mga mamamahayag. Kung bakit kasi umiiwas gayung “karaniwang bahay” lang pala naman ang pag-aari niya. Sabi ng abogado ni Purisima, malayo raw ang bahay sa sinasabing mansiyon na nagkakahalaga umano ng P30-50 milyon ayon sa mga naunang lumabas na report. Ayon sa abogado, P3.7 hanggang P4 milyon lamang ang bahay ni Purisima at nakatayo ito sa 4.5 ektaryang lupa. Nabili raw ni Purisima ang lupain noong 1998 at nagpagawa ng bahay noong 2002 at ipina-renovate noong 2012.
“Karaniwang bahay” lamang daw talaga ang bahay ni Purisima at hindi maihahambing sa mga bahay sa Forbes Park, Dasmariñas, Urdaneta, Magallanes, Corinthian Village at Green Meadows. Binabaha pa raw ang loob ng bahay. Bukod sa main house, meron pang dalawang palapag na guest house na may apat na kuwarto, mayroon ding gazebo na ang bubong ay anahaw at may swimming pool na ang sukat ay 7.5 meter by 15 meter. Mayroong garahe para sa limang sasakyan at may driver’s quarters.
Sa isang statement mula sa PNP chief, sinasabing ngayong nakita na raw ng mga mamamahayag ang “karaniwang bahay” maaaring matigil na raw ang isyu ukol dito. Mabibigyan na raw ng wakas ang kontrobersiya.
Maaaring magwakas ang kontrobersiya kay Purisima kung maisasailalim siya sa ‘lifestyle check” at ilabas ang tunay niyang SALN. Ayon sa Ombudsman, marami raw discrepancies sa SALN ng PNP. Kung kami kay Purisima, magkukusa na kaming magpasailalim sa “lifestyle check” para ganap na malinaw ang lahat. Kung ang lahat nang kanyang ari-arian ay mula sa legal na paraan nakuha, walang dapat ikatakot. Sabi nga ni manunulat na si Mark Twain, walang dapat ikatakot ang nagsasabi ng totoo. Patunayan ni Purisima na malinis siya at karapat-dapat na modelo ng mga karaniwang pulis.