MAYROON nang designated na tong collector ang Office of the Internal Security (OIS) ng DILG sa Calabarzon area. Iyan ang nakakatulig na usap-usapan sa Camp Crame mga suki! Mismong si Supt. Johnny Ormie ng OIS ang nagbulong umano kay alyas Emily, ang may-ari ng mga pergalan sa Calabarzon, na sina Juancho Medalla alyas Jun Milan at Tony Cheng ang official na tong collector ng OIS sa Southern Luzon. Si Cheng ang may mando sa Cavite at Laguna, samantalang si Jun Milan naman ang sa Batangas at Quezon. Sina Cheng at Jun Milan ay nagre-remit kay Ariel “Molly” Acuña, ayon kay Supt Ormie. Si Emily lang pala ang lumutang nang ipatawag ni Supt Ormie ang financiers ng mga illegal sa Calabarzon sa OIS office sa Camp Crame para linawin na sina Jun Milan at Cheng ang official nilang tong collector at ‘wag nang pansinin sina Rico Posadas at iba pa na nag-iikot din sa Calabarzon area. Para maniwala si Emily na siya nga si Supt. Ormie, ipinakita pa ng huli ang ID niya sa una. Hehehe! Sigurista rin si Emily, ano mga suki?
At nagkasundo din sina Ormie at Emily noong Lunes na ibalik ng tropa ng OIS ang mga nakumpiska nilang kagamitan sa isinagawang raid sa San Pedro, Laguna kapalit ang “for the boys.” Kaya noong Martes, hinakot ni Emily ang mga gamit niya sa Camp Crame, lingid sa kaalaman nina DILG Sec. Mar Roxas at PNP chief Dir. Gen. Allan Purisima. Hehehe! Parang sa kasabihan natin na “the mouse will play while the cat is away” itong ginagawa nina Ormie at Emily, ano mga suki? At mukhang hindi nakarating ang mga lingguhang intelihensiya na nakolekta ni Posadas para sa OIS dahil noong Huwabes ay ni-raid ang mga puwesto sa Cavite. Nais i-entrap ng OIS si Posadas subalit nang hindi makita ay nilamas na lang ang mga puwestong pinagkukuhaan nya ng intelihensiya.
Kaya hilung-talilong ang mga gambling lords at pergalan financiers sa Cavite dahil may parating naman sila subalit na-raid pa. Hindi masabi ng mga suki ko sa Cavite kung nahagip ang color games nina Egay sa EPZA sa Rosario at sa harap ng Meralco sa Bacoor; ang kay Fernan sa harap ng Puregold sa Imus, ang kay Jessica sa Salitran at sa stoplight sa Dasmariñas, at kay Aling Tessie sa Bgy. Amaya sa Tanza. Hehehe! Dapat limasin din ng OIS ang mga pergalan na ito para hindi sila maakusahan na may pinipili sa mga pagsalakay nila, di ba mga suki? Sa kabilang banda lumutang na si PNP chief Alan Purisima sa Senate Hearing na ikinaluwa ng mga mata ng TV viewers dahil ubod ng tapang na sinagot ang mga katanungan hingil sa SALN at White House controversy.
Sa kanyang pagharap sa Senate hearing, naghamon si Purisima na isiwalat sa kanya ang mga tiwaling pulis dahil action man siya at hindi puro dakdak lang. Bueno Gen. Purisima Sir, unahin mong itapon sa Mindanao si PO3 Antolin “Jhong” Valero at SPO4 Marlon Garcia para mapatunayan na may isa kang salita. Si Valero ang tong collector ni Sr. Supt. Jireh Omega Fidel ang PD ng Batangas at si Garcia naman ang kay Sr. Supt. Joselito Esquivel ang PD ng Cavite. Lalaking kausap kaya si Purisima? Abangan!