Katotohanang ayaw marinig ng Pilipinas

PRINOTESTA ng Philippine embassy sa Kuala Lumpur ang television ad ng kumpanyang Aegis Malaysia. Mapanira umano ang pribadong ad sa magandang relasyon ng magkapit-bansa.

Nasa negosyong business process outsourcing (BPO) ang Aegis Malaysia. Dominado ng Pilipinas at India ang pandaigdigang industriya, na pinangungunahan ng call centers. Para maagaw ang mga kliyente, tatlo ang sinabi ng Aegis Malaysia sa TV ad:

• nasa Pacific rim of fire ang Pilipinas, kaya malimit ang lindol, sabog-bulkan, bagyo, at iba pang sakuna;

• bulok ang infrastructures sa Pilipinas, kaya mas mabuti mag-BPO o call center sa Malaysia; at

 • hindi secure ang buhay at ari-arian sa Pilipinas.

Kung tutuusin totoo ang tatlong sinabi sa ad. Nasa Pacific rim of fire ang Pilipinas. Ibig sabihin, sumibol mula sa undersea volcanoes daan-milyong taon na ang nakalipas. Pero gay’un din ang tatlo pang kapit-bansa: Indonesia, Brunei, at mismong Malaysia. Dahil din du’n, pinaka-mayaman ang lamandagat at kagubatan ng naturang mga bansa.

Totoo ring bulok ang infrastructures ng Pilipinas. Dahil sa katiwalian at kapabayaan, malimit ang aksidente at breakdowns ng MRT-3. Malimit ang bungguan ng sasakyan sa kalye at dagat, giba-giba ang airports at pier, maninipis ang mga kalsada, at kulang sa tulay. Sa telecoms, parating bagsak ang connections ng cell phone at wifi -- mga mahalagang sangkap ng BPO business.

Totoong mapanganib sa buhay at ari-arian sa Pilipinas. Malamang manakawan ka ng cell phone, alahas, o laptop sa kalye, sasakyang pampubliko, o restoran. Kung manlalaban ka, malamang saktan ka o patayin. Pinagtatanggol pa ng Presidente ang palpak na PNP chief.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

 

 

Show comments