MAY mga Pilipinong sumasali na nga ba sa bagong teroristang grupo na ISIS? Ito ang usapin ngayon dahil tila lumalaki, at lumalakas ang halimaw na grupong ito. Dahil sa kanilang mga ginawang pagpugot ng ulo sa apat na dayuhan na kinunan pa ng video, ipinapakita ng ISIS sa buong mundo na hindi sila natitinag kaninoman. Dahil dito, nagiging sikat at kilala na sila sa mundo ng mga terorista.
Sa totoo nga, lumalakas ang pag-udyok ng ISIS sa mga gustong sumali sa kanilang organisasyon. Dahil na rin sa internet, nagiging mas madali ang pagkalat ng impormasyon hinggil sa kanilang organisasyon. Ayon sa mga eksperto, natural ito kapag may sikat o usong grupo. Nauso ang Taliban, lahat gustong maging Taliban. Nauso ang Al Qaeda, lahat gustong maging Al Qaeda. At ngayon ISIS ang uso. At hindi lang mga taga-Gitnang Silangan ang mga sumasali. Pati mga galing Europe, at ngayon, mga galing Asya.
Mismong si Davao City Mayor Duterte ang nagsabi na aktibong nag-recruit ang ISIS sa kanyang siyudad. Ito rin ang pahayag noon ni dating Pangulong Ramos. Pero lahat ito ay pinabulaanan ng AFP, at naglabas ng kanilang pahayag na walang patunay na may mga Pilipinong sumasali na sa ISIS.
Ngunit malinaw na may mga taga-suporta ang ISIS sa bansa. Nakikitang lumilipad na nga ang kanilang bandera sa ilang pagtitipon. Kung hindi ito patunay na aktibo na ang ISIS sa bansa, ewan ko na. Ang Abu Sayyaf at ang BILF ay nagpahayag na kaalyado na raw ang ISIS. Kung may suporta sila mula sa ISIS ay hindi pa matiyak, pero bakit kailangang hintayin pa? Hindi ba dapat habang nagsisimula pa lamang ay durugin na? Bakit hihintayin pang lumakas at maging isang malaking problema na naman para sa bansa?
Ang layunin ng ISIS ay maging makapangyarihan lamang. Wala na ang isyu ng Islam dito. Nais lang pumatay, manggahasa, magmalupit at yumaman nang hindi napaparusahan, habang ginagamit na dahilan ang Islam. Ito ang mga tunay na terorista. Ito ang mga dapat mawala na sa mundo. Kasalukuyang may mga militar na aksyon sa laban sa ISIS. Dapat masugpo na nang lubusan ang ISIS. Kung may namumuong koalisyon laban sa ISIS, gamitin na ang lahat ng kanilang kakayanan para madurog na ito, bago maging mas malaki, at mas malakas pa.