MAGPE-PRELIMINARY investigation ang Ombudsman sa mga sangkot sa maanomalyang maintenance contracts sa MRT-3. Preparasyon ito sa pagsakdal sa kanila sa Sandiganbayan anti-graft court. Binulgar ko ang mga kontratang ito bilang sanhi ng bugok na maintenance na nauuwi sa malimit na aksidente at breakdowns sa MRT-3.
Tinukoy ng Ombudsman sina Transport Sec. Joseph Emilio Abaya, U-Sec. Jose Perpetuo Lotilla, at dating MRT-3 general manager Al S. Vitangcol -- mga pumirma sa maintenance contract ng PH Trams-CB&T joint venture. Sangkot din ang mga nakipag-negosasyon at taga-bids and awards committee: Sina LRT-1 at -2 chief Honorito Chaneco, U-Sec. Rene Limcaoco at Rafael Antonio Santos. Siyempre, pati incorporator-directors ng PH Trams: Marlo dela Cruz, Wilson de Vera, Manolo Maralit, Arturo Soriano, at Federico Remo.
Dalawang-buwan gulang pa lang ang PH Trams nang bigyan ito ng DOTC-MRT-3 ng P517.5 milyong kontrata, 848 ulit ang laki kaysa katiting na kapital na P625,000. ‘Yun pala, tiyuhin ng misis ni Vitangcol si Arturo Soriano. Okt. 2012 hanggang Ago. 2013 ang kontrata.
May mas malaki pang anomalya. Si Marlo dela Cruz na chairman ng PH Trams ay naroon din sa bagong kinontrata na Global-APT joint venture para sa maintenance ng MRT-3 mula Set. 2013 hanggang kasalukuyan. Siya ang nakalista sa DOTC na “authorized representative” ng Global Inc. at ng joint venture mismo. Halaga ng kontrata: $1.4 milyon o P63 milyon buwanan -- kaya P756 milyon na ang nakukubra. Pero puro pilay ng pasaheros sa aksidente at tirik ng tren.
Bakit ba napakalakas nitong Marlo dela Cruz? Kasi, compadre siya ni Abaya, at kapartidong Liberal kung saan presidente rin si Abaya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com